Disyembre 6, 1956: Pagsasauli sa Pilipinas ng Lahat ng karapatan at Title Claims ng US sa mga Lupaing Saklaw ng US Bases

Pormal na ipinagkaloob ng US sa pamahalaang Pilipino sa seremonya sa Malacanang ang lahat ng karapatan at title claims sa 199,570 ektaryang lupang saklaw ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Pagtupad ito sa komitment ng US sa magkasamang pahayag nina President Ramon Magsaysay at ni US Vice President Richard Nixon ukol ditto, Hulyo 3, 1956.
Humantong sa seremonyang ito ang mainit na debateng legal sa pagitan nina US Attorney General Herbert Brownell, Jr at ng pinuno ng Phil. Senate Committee on National Defense and Security na si Claro M. Recto. Batikang abugado at matagal na nagsilbi sa kolonyal na gubyerno si Recto, kabilang ang pagkapresidente ng Philippine Constitutional Convention sa ilalim ng Tydings-McDuffie Law.

Senator Claro M. Recto

Senator Claro M. Recto

Pumutok ang legal na debate nang malathala ang isang bahagi ng opinyon ni Brownell sa The Manila Chronicle, Marso 17, 1954, tatlong araw makaraan ang ikapitong anibersaryo ng Military Bases Agreement (MBA): may mga titulo ang US sa mga base militar. Ito ang tutuntungan sa bagong pakikipagnegosasyon ng US sa Pilipinas. Gustong palawakin pa ng US ang operasyon at saklaw ng mga base militar. Umiigting ang cold war—ang pulitikal, ekonomiko at diplomatikong labanan ng US at ng Russia — at nais ampatin ng US ang paglaganap ng mga progresibong kilusan sa Asia.
Pinanatili ng MBA ang ilan sa pinakamalalaking base militar ng US, habang nasa 30 ang isinara o ibinigay sa gubyernong Pilipino. Itinindig ang mga ito sa panahon ng tuwirang pananakop ng US, 1899-1945.
Iginiit ni Brownell na sa pagkakaloob ng US ng kalayaan sa Pilipinas, nanatili ang pagmamay-ari ng US sa lupang saklaw ng mga base militar. May Torrens Certificates of Title ang mga ito na iginawad ng US Presidential Executive Orders.
Sinikap patunayan ni Brownell na sa lahat ng legal na instrumento mula sa Tydings-McDuffie Law hanggang MBA, walang pagsasalin ng karapatan sa Pilipinas sa ari-ariang sangkot ang mga base, at ang kasunduan ukol dito ay gagawin pa sa hinaharap. At dahil wala pa ang mga kasunduan para dito, mananatiling pag-aari ng US ang mga lupa kahit pa nailipat na ang soberanya ukol dito sa Pilipinas.
Pinulbos ni Recto ang mga argumento ni Brownell. Ginamit din ng senador ang mga dokumentong pinagsanggunian ng US attorney general. Binalikan ni Recto ang kasaysayan:
Sa proklamasyon ni US President Harry Truman sa kalayaan ng Pilipinas, Hulyo 4, 1946, binitiwan ng US ang karapatan at kapangyarihan sa Pilipinas, “maliban sa ilang reserbasyon na naruon at gagawin pa.” Matapos iyon, nilagdaan ng dalawang bansa ang Treaty of General Relations. Isinurender ng US sa Artikulo I nito ang “lahat ng posesyon, superbisyon, hurisdiksyon, kontrol at soberanya na taglay at ginagampanan ng US sa teritoryo at mamamayan,” ng Pilipinas, “maliban sa paggamit ng mga base, mga dagdag na kasangkapan sa mga baseng ito, at mga karapatang kaakibat nito, na naaayon sa kasunduan ng US at Pilipinas…..”
Inilinaw din sa preambulo ng MBA, na, “sa pagganap sa karapatan at soberanya, binibigyan ng Pilipinas ang United States of America, ng karapatang gamitin nang walang bayad, ang mga tiyak na lupang publiko, para sa pagtataguyod ng mutwal na interes ng dalawang bansa.”  Idiniin ni Recto ang salitang paggamit (use) na siyang laman ng mga kasunduan. Isinuko na ng US ang kapangyarihan nito sa Pilipinas, at kakabit dito ang kapangyarihan sa lupa. Sinabi niya bilang pangwakas. na, “ hindi pwedeng ipahiram ng Pilipinas ang mga base militar kung hindi siya ang may-ari ng mga ito.”
Matapos mapagkumbinsing linawin ang karapat-dapat na kapangyarihan ng Pilipinas sa mga base militar, binatikos ni Recto sa kasunod na mga pahayag ang di-pantay na relasyon ng US at Pilipinas. Nanawagan siya para sa malayang patakarang panlabas, hindi patakarang palasunod sa dikta ng US. Idiniin niyang hindi tunay na makakaimpluwensya ang Pilipinas sa Asia, “hanggang ang tingin sa kanya ng Asia ay papet ng Amerika, na ang tanging mga patakaran ay ang mga patakaran ng United States.”
Masakit na katotohanan itong paulit-ulit na sumusugat sa kamalayan ng mamamayan; mula sa mga Pilipinong pinagkamalang babuyramo at pinatay ng sundalong Kano sa loob ng mga dating base militar; hanggang sa mga Pilipinang ginahasa at pinaslang, mahigit dalawang dekada matapos isara ang mga dayuhang base militar, at ang mga salarin ay hindi naparusahan.
Ibinasura ng Philippine Senate ang MBA, 1991, sa gitna ng malakas na kilusang anti-base militar sa panahon ni Pres. Cory Aquino. Ngayo’y nakalukob muli sa bayan ang mga bagong kasunduang militar sa US—ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), upang muling magbase sa bansa ang mga tropang Kano kahit ibinabawal ito ng Konstitusyong 1987.
Itinatali ng ganitong mga kasunduan ang Pilipinas sa hindi nalalagot na neokolonyal na relasyon sa US, na itinaguyod ng mga lokal na pulitiko at mga elite upang pangasiwaan ang tanging neokolonya ng US sa Asya-Pasipiko.K
Sanggunian: American Military Bases in the Philippines: The Brownell Opinion. Roberto Paterno; Philippine Studies vol. 12, no. 3 (1964), Ateneo de Manila University; Journal of American Chamber of Commerce of the Philippines, Volume 33, No 1, Enero 1957- sinipi ng Kahimyang Project, Disyembre 2012;

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s