Panahon ng Hapon Tatlong taon ng paghahari ng imperyalistang Hapon sa Pilipinas matapos salakayin ang Pearl Harbor, Disyembre 8, 1942

Hindi nalutas ng unang digmaang imperyalista (1914-1918) ang agawan sa mga kolonya sa daigdig. Pumutok ang great depression kasunod nito (1930s) na nagsimula sa US at kumalat sa iba pang bahagi ng mundo. Nangyaring muli ang paghahati ng daigdig para lutasin ang pagkipot ng pamilihan ng kanya-kanyang ekonomya.
Naganap ang ikalawang digmaang imperyalista o World War 2 (1939-1945). Sa Asia, sinagasaan ng Japan ang open door policy ng US sa China. Naagaw sa US ang Pilipinas at ang Trust Territories nito sa Pacific– ang Marianas, Guam at Saipan. Inagaw sa France ang Indochina (Vietnam, Cambodia at Laos), sa Britain — ang Malaysia, Singapore at Burma. Naagaw rin sa Netherlands ang Indonesia.
Pinagbubomba ng Japan ang US bases sa Pearl Harbor, Hawaii (Disyembre 7, 1941), mga estasyong militar ng US sa Pilipinas: Clark Air Base sa Pampanga at Iba AirField, Del Carmen AirField sa Mindanao, at port area sa Manila (Disyembre 8, 1941), Nichols sa Pasay, Sangley Point sa Cavite, Subic Base sa Olongapo at Clark uli (Disyembre 9, 10 at 12), at airfields sa Marikina.
Bago ito, naitatag na ng US ang US Armed Forces in the Far East (USAFFE), Hulyo 1941. Pinag-aktibong muli si Gen. Douglas MacArthur para pamunuan ito at ang depensa ng mga pwersang US at Pilipino. Empleyado na ng Commonwealth si MacArthur, nagretiro sa US military, 1937, bilang Amerkanong superbisor sa pagtatayo ng Philippine Army sa bisa ng National Defense Act of 1935.
Umatras ang USAFFE sa Bataan nang mabigong hadlangan ang pag-abante ng mga Hapones; sa Corregidor naman lumikas si MacArthur, ang asawa’t anak at mga tauhan ng kanyang headquarters. Lumipad patungong Australia si MacArthur sa utos ng presidente ng US para mamuno sa Southwest Pacific Area Command. Ipinuslit papuntang US sina Commonwealth Pres. Manuel L. Quezon at Vice Pres. Sergio Osmena. Nangako si MacArthur na babalik sa Pilipinas (“I shall return”). Namatay sa US na si Quezon dahil sa tuberkulosis.
Isinuko ni Gen. Jonathan Wainwright—ang komander na pumalit kay McArthur, ang Corregidor sa mga Hapon na humantong sa bantog na Death March mula Bataan hanggang Capas, Tarlac.

panahon ng hapon
Dahil sensitibong usapin sa mga Pilipino ang kalayaan, inorganisa ng mananakop ang Preparatory Commission for Philippine Independence, Hunyo 18, 1943. Binuo ito nina Jose Laurel, Benigno S. Aquino, Sr. at Ramon Avanceña. Itinatag ang National Assembly (NA) sa bisa ng Konstitusyong “niratipikahan” ng “popular” na convention. Inihalal nitong presidente si Laurel. Idineklara ang “kasarinlan” at pinasinayaan ang “Republika ng Pilipinas” Oktubre 14, 1943.
Nabuo ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) na nakatuntong sa malawak na kilusang magbubukid sa Gitnang Luzon, Laguna at Quezon. Itinatag ang Hukbalahap sa Sityo Bawit, San Lorenzo, Cabiao, Nueva Ecija sa palispisan ng Bundok Arayat Marso 29, 1942. Malaganap ding naorganisa ang mga pwersang gerilyang nakaugnay sa USAFFE. Malalaking tipak ng mga bayan ang napalaya na ng mamamayan bago pa ang pagbalik ng Kano at pagsuko ng Japan.
Mas malawak kaysa sa ginawa ng Hapon ang pinsala sa buhay, kabuhayan at ari-arian ng mamamayan nang bombahin ng US Air Force ang Maynila, Cavite at iba pang lugar sa Visayas (Setyembre 21, 1944) hanggang sa mag-landing sila sa Palo, Leyte (Oktubre 20, 1944). Halos wala nang nakatindig na istruktura sa Maynila nang “mapalaya” ito Pebrero 1945 . Sa desperasyon, minasaker ng mga sundalong Hapon ang libu-libong mamamayan, laluna sa Maynila. Nasawi ang mahigit isang milyong Pilipino sa buong bansa sa digmaang nagsangkot sa bansa dahil sa tuwirang interes dito ng US.
Sumurender ang Japan Setyembre 2, 1945 makaraang bagsakan ng US ng atomic bombs ang Hiroshima at Nagasaki (Agosto 6 at 9) kung saan daan-daang libong sibilyan ang namatay. Nangibabaw na imperyalistang kapangyarihan sa daigdig ang US, bago pa nagwakas ang digmaan. Napinsala ang Britain at Soviet Union. Wasak ang Japan, Germany, Italy, France, at buong Europe.
May inilitaw na kabilang mukha ang digmaan. Lumaya ang mamamayan ng Eastern Europe laban sa mananakop sa kanilang mga bansa. Nakapagpalakas ang mga kilusang anti-kolonyal o para sa pambansang pagpapalaya. Lumaya ang Vietnam (1945) bago makabalik ang mananakop na French, ang China (1949), at Korea (1950), bago salakayin at hatiin ng US sa North at South. Lumaya ang Indonesia (1949), sa matagumpay na paglaban sa tangka ng Netherlands na ibalik ang dominasyon dito.
Samantala’y inorganisa ng US ang gubyerno sa Pilipinas. Nanalo sa halalan (Abril 23, 1946) si Manuel Roxas na huling presidente ng Commonwealth at unang presidente ng neokolonyal na Republika ng Pilipinas. Itinali ng US ang Pilipinas sa mga kasunduan sa ekonomya, pulitika, militar at kultura. Pinapasan din ng US sa bagong gubyerno ang pagbabayad sa lahat ng pananagutan at pagkakautang nito sa panahon ng pangangasiwa sa kapuluan. Ito ang unang utang panloob at panlabas ng Pilipinas.K

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s