Matatag, Sapat na Trabaho Bayang Progresibo: Mamamayan ang Nagpapasya

mggw

Sa halip na malayang bayan, ipinwersa ng lokal na naghaharing uri at ng kanilang dayuhang amo ang kaayusang neokolonyal sa mamamayan makaraan ang apat na dekada ng tuwirang pananakop ng US. Itinali ang Pilipinas sa utang at mga kondisyon.  Hinadlangan ang pagyabong ng nagsasariling ekonomya at iginapos ito sa walang habas na pandarambong.  Gaya ng kundisyong pinagsibulan ng rebolusyon, nanatili’t higit na lumawak ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.Nakalatay sa pambansang ekonomya ang kabiguan ng Rebolusyong 1896. Bigo na ito nang paslangin si Gat. Andres Bonifacio bago bumagsak ang kolonyalistang Espanyol, nawaldas pa nang husto nang ipinagkanulo ito at isuko ng mga elitistang lider ng himagsikan sa imperyalistang Amerkano.

Sa ilalim ng neokolonyalismo, napabilang ang Pilipinas sa mga atrasadong ekonomya sa daigdig.  Makikita ito hanggang ngayon, sa katayuan ng kanyang lakas paggawa— ng mga manggagawang pinagmulan din ng bayaning si Andres:

  • Anim sa bawat sampung Pilipino ay nasa hanapbuhay na impormal at walang tiyak na trabaho o kita—mala-manggagawa at impormal na serbisyo mula sa pagpapandar ng pedikab, vendor ng kung-anu-ano at kung saan-saan, manggagawa sa kontsruksyon, manggagawang bukid at mga indibidwal na diskarte, at iba pa.
  • Katambal nilang bumubuhay sa ekonomya ang 2.4 milyong OFWs, mga kontraktwal na obrero at iilang porsyentong regular na mangagagawa at propesyunal.

contractualization

  • Sasanib sa kanila ang .5 milyong  gradweyt ng kolehiyo at 1.5 milyong sinanay sa mga institusyong teknikal kabilang ang pinatatakbo ng gubyerno gaya ng Tesda nuong 2015. Malaking bahagi sa kanila ang napabilang sa karaniwang 10 milyong walang trabaho taun-taon.
  • 3 % ng 100 milyong Pilipino ang nasa ilalim ng poverty line, kapos kahit sa pagkain.

Ang malungkot,  kailangan pang igiit ang pagwawakas ng kondisyong ito sa gubyernong Duterte.  Sa kanyang mga pahayag at sa aktwal na itinataguyod nitong 10 point economic program, magpapatuloy ang patakarang neoliberal.  Isasagad ito sa planong chacha ng kongreso kasabay ng proyekto sa pederalismo. Itutulak sa gitna ng paglabag sa karapatang pantao bunsod ng gyera sa droga.

Itatambal ito sa pag-oorganisa ng Masa Masid—ang pangmasang organisasyong paniktik na nanganganib na lumikha ng hidwaan sa mga komunidad.

Nangyayari ang lahat ng ito habang may banta sa suspensyon ng writ of habeas corpus at binabaklas sa kasaysayan ang kalupitan ng neokolonyal na sistemang higit na pinabangis ng diktadurang Marcos nang ipasya ni Duterte, sa pagsang-ayon ng Korte Suprema, na ilibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Neoliberalismo ang patakaran ngayon ng pandaigdigang kapitalismo para makaahon sa kumunoy ng nagpapatuloy nitong krisis at patuloy na dambungin ang yaman ng mahihinang bayan.  Tinatanggal ng patakarang neoliberal ang papel ng gubyerno sa serbisyong publiko at iba pang estratehikong negosyo at ipinapaubaya ito sa mga pribadong bangko at korporasyon para pagtubuan.

Mahalagang sangkap na pinaiiral nito ang kontraktwalisasyon ng paggawa at pagbabawal sa pag-oorganisa at pagkilos para bigyan ng ganap na kalayaan ang kapital na idikta at baratin ang sahod at benipisyo ng manggagawa.

Lantad ito sa nakalipas na ilang dekada ng pagpapairal ng neoliberalismo sa Pilipinas.  Sa panahon ni Pres. Noynoy Aquino, kinontrol ng 40 pamilya ang pakinabang sa lokal na ekonomya.

Malaon nang ipinakita ng mga abanteng bayan, kabilang ang mga kapitbayang Asean, na upang maging progresibo ang ekonomiya, kailangang  kumawala sa dayuhang kontrol at mga dikta.  Dapat pagpasyahan ang sariling landas ng ekonomya ayon sa pagpapairal ng soberanya ng mamamayan sa sariling yamang likas at lakas paggawa.

Malaon nang kinilala ang halaga ng kumbinasyon ng modernong agrikultura at industriyalisasyon para sumulong, likhain ang kasapatan sa pagkain at iba pang pangangailangan ng lipunan.  Ito ang pinakamatatag na pundasyon sa paglikha ng sapat at marangal na hanapbuhay para sa mamamayan.

Sa malayang ekonomya, malilikha ang pambansang kapital na dating hinuhuthot at inililipad ng dayuhan.  Magagamit ito sa pag-aangat ng industriya at agrikultura.  Mapaplano ang pagmimina ng estratehikong mineral batay sa pangangailangan ng lipunan. Maiaangat ang sahod ng paggawa.  Mababawasan hanggang sa mapapawi ang pwersadong pangingibang bayan ng mga Pilipino para maghanapbuhay.

Mula sa yamang likha ng lipunan, mapalalaki ang rekurso sa serbisyong publiko.  Mapapalawak ang karapatan sa edukasyon.  Matitiyak ang kalusugan ng mamamayan.  Mapapalakas din ng matatag at malayang ekonomya, at nang sapat ang kakayanang populasyon,  ang kapasidad ng lipunan na ipagtanggol ang sarili laban sa anumang anyo ng dayuhang panghihimasok.

Dito importante ang independyenteng patakarang panlabas. Tiyaking walang tali ang lahat ng mga kasunduang multilateral at bilateral na papasukin ng gubyerno.  Para patunayang independyente at walang kinikilingan, ipagbawal ang anumang anyo ng pagbabase ng dayuhang pwersa sa Pilipinas.

Kung gayon, dapat ipawalang-saysay ng gubyernong Duterte ang EDCA, VFA at ang pinagmulan nitong US-Ph Mutual Defense Treaty.  Kailangan ding mag-ingat sa pagdikit sa China at iba pang lumalakas na kapitalistang kapangyarihan, alang-alang sa interes ng sambayanang Pilipino at hindi para maglipat ng katapatan sa panibagong amo.

Matatag na ekonomiya at nagsasariling estado ang nais itindig nina Bonifacio.  Demokratiko at Soberano. Nakakaraming mamamayan ang nagpapasya.

Sa edad na 29, pinamunuan niya ang pagtatatag ng Katipunan para ipaglaban ang kasarinlan ng bansa at likhain ang kondisyon sa masaganang buhay para sa mamamayan.  Nobyembre 30, 2016  ang  ika-153 guning-taon ng kaarawan ni Gat. Andres. Ipagdiwang natin ito sa higit pang pagpapasaklaw ng kilusang manggagawa at kilusan ng mamamayan para sa tunay na soberanya, demokrasya at kalayaan.

Workers for Peoples’ Liberation (WPL)

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (Kilusan)

Nobyembre 30, 2016

Advertisements

Labanan ang Pagpapanumbalik sa Kapangyarihan ng mga Marcos! Labanan ang Pagbabalik ng Tiraniya!

Marcos Burial Protests

Inilibing ang bangkay ng pasistang diktador Ferdinand E. Marcos, Sr., Nobyembre 18, sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).  Tulad sa pagnanakaw, inilihim sa publiko hanggang sa mismong oras ng seremonyang puspos sa parangal at ritwal na bagay lamang sa taong nabuhay nang marangal, may integridad, matapat at may natatanging ambag sa pagsulong ng lipunan. Naroon ang mga opisyal ng AFP at PNP at honor guards na nagbigay ng parangal pang-estado at militar (state and military honor).

AFP at PNP ang unang kumumpirma sa media na alam ni Presidente Duterte ang libing, na itinanggi naman ng kanyang mga tagapagsalita sa Malakanyang. Sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na ang utos ng Department of National Defense (DND), na Nob. 17 nila natanggap, ay tiyak na alam ni Duterte. Mismong si PNP Chief Ronald “Bato” De la Rosa ay nagsabing “tiyak na alam ito ni Duterte sapagkat siya rin ang may tuwirang ugnay sa mga Marcos.” Nang salubungin ng international media si Duterte sa pagdating sa Lima, Peru ay kinumpirma na alam nga niya ang libing at “pamilya Marcos ang nagtakda ng petsa”.

Sinabi ni Duterte na kanyang “ipinapatupad lang ang batas at desisyon ng Korte Suprema”  Subalit ang lihim ngunit marangyang libing ng diktador ay pagsikot sa proseso ng batas at korte. Ipinagkait nito sa mga tumututol ang pagkakataong maghapag ng motion for reconsideration mula Nobyemre 9-23. Garapalang ipinagtanggol g Korte Suprema ang tapos nang libing sa pahayag na “walang batas na nagbabawal na ilibing si Marcos sa LNMB” at “walang apila laban sa libing”.

Malinaw, mula simula, ang kutsabaan Duterte, pamilyang Marcos at 9 na mahistrado ng Korte Suprema. Inilihim ang libing sa taong bayan upang hindi maiwas sa tiyak na pagharang ng mamamayan.  Hanggang sa huling sandali, kataksilan sa bayan ang ipinamalas ng pamilya Marcos na suportado ni Duterte.

Ang utos ni Duterte na pinaboran ng 9 na mahistradong nagsuko at nagbenta ng kanilang integridad at ang biglaang libing ay tahasang pagyurak sa makasaysayang soberanong pasya at akto ng milyun-milyong mamamayan sa buong kapuluan na lumaban at nagwakas sa diktadurang Marcos.

Ang pagrangal na iginawad sa diktador:  pagsundo ng  helicopter ng AFP, pagsalubong at pagpapasan sa balikat ng kanyang kabaong ng mga sundalo, paglalagak nito sa hila-ng-kabayo na (caisson), pagpupugay ng honor guards, pagbalot ng bandila ng bansa sa kanyang kabaong, 21-gun salute at  volley of fire at paglalagay ng cauldron of fire or eternal flame na natatangi sa puntod ni Marcos, ay pagdakila sa tiranong naghari sa loob ng 21 taon, kabilang ang 14 na taon ng lantarang pasistang diktadura.

Pilit na pinalilimot sa mamamayan ang lansakang pagsupil sa mga demokratiko at makataong karapatan; pagdukot at pagpatay sa libu-libong mamamayan; pagtortyur at pagbilanggo sa abot 100,000; panggagahasa sa mga kababaihang inaresto, ibinilanggo o pinatay; pagpapalayas ng daan-daan libong mamamayan sa kanilang mga pamayanan sa kanayunan; pagtatayo ng mga yunit para-militar at mga kampo at detachment ng militar sa halos lahat ng mga baryo/barangay sa kanayunan; pagbaon ng bansa sa dayuhang utang; pagnanakaw at pagtakas ng bilyong dolyar na halaga ng kabang yaman; ginawang “gatasang-baka” ang mga proyektong pang-impraistruktura, ilang ospital at higit sa lahat ang halimaw na plantang nukleyar sa Bataan na hanggang 2007 ay binayaran ng mamamayan ang ginugol dito na utang na $2.2B (bukod pa ang interes nito), na makabuluhang  bahagi ay padulas kay Marcos at komisyon ng crony niyang si Herminio Disini.

Ito ang tampok sa madugo at mapandambong na rekord ng diktador na si Marcos, na iniidolo ni Duterte. Ang palihim ngunit puspos sa parangal na paglibing sa diktador sa LNMB ay pagyurak sa  mahabang pakikibaka ng milyun-milyong mamamayan, na humantong sa pag-aalsang Pebrero 1986, na nagwakas sa diktadurang Marcos. Paglapastangang sa soberanong pasya at aksyon ng mamamayan at pagbaligtad ng kasaysayan ang kahulugan ng “pagbabayad-utang” ni Duterte sa pamilyang Marcos. Bukod dito ang bumubungad na pagpwesto kay Bong Bong Marcos sa kapangyarihan.

May batayan ang pangamba ng marami at ni Bise-presidente Leni Robredo na lulutuin sa Korte Suprema ang kasong isinampa ni Bong Bong Marcos. Kinaray ni Duterte si Bong Bong Marcos sa kanyang pagbisita sa China at doon ipinakilala sa mga Tsino bilang “susunod na bise-presidente ng Pilipinas kung mananalo sa kaso laban kay Leni Robredo”. Higit dito, sinabi rin ni Duterte, sa parehing pagkakataon, na kanyang tinutularan ang idolong Ferdinand Marcos, Sr.

Ilang araw bago ang panakaw na libing, ipinahayag ni Duterte sa harap ng publiko na kanyang “kinokonsidera ang pagsuspinde sa writ of habeas corpus” kapag siya ay “mapuwersa” ng pinapalaki niyang problema sa drugs at ng diumanong “rebelyon”.  Sumunod sinabi rin niya, “ang pagdeklara ng batas militar ay contingency”.

Labanan ang muling pagbalot ng lagim ng malaganap na karahasan laban sa mamamayan at paglulubid ng batayan para sa higit na karahasan

Bumulwak ang malaganap na protesta sa panakaw na libing sa pinarangalang diktador. Pinanariwa nito ang bangungot ng diktadurang Marcos. Binuhay sa ala-ala ng marami ang mga pahirap at iba pang paglabag sa mga karapatan. Ang mga tinortyur at ikinulong noon ay nadaramang muli ang mga pasakit. Ang pag-uulit ni Duterte ng panawagang kalimutan na ang nakaraan at patawarin ang mga Marcos ay pang-iinsulto sa mamamayan.

Sa pagsusulong ng mga protesta hindi dapat mawala na pinatutungkulan din nito ang nagbabantang muling pagbalot ng lagim at karahasan. Huwag mawawaglit na umiiral hanggang ngayon ang “state of national emergency” na ipinataw sa bansa bunsod ng “lawless violence” sa “balwarte” ni Digong na Davao City. Kasama ng PNP ang AFP sa pagpapairal ng “state of emergency”. Kinokondisyon ang mamamayan sa mga “check point” at presensya ng mga “combat ready” na mga pulis at sundalo sa mga publikong lugar tulad sa mga istasyon ng LRT at MRT, mga terminal ng bus at mga pantalan at airport.

Minamanhid ang mamamayan sa araw-araw na pagpatay sa mga “suspek na drug user-pusher” at nakabilanggong “nagtangkang lumaban”. Tahasang sinasabi ni Duterte na wala siyang pagkilala sa human rights at itinuring na kaaway ang bawat magtanong, mag-iimbestiga o magpahayag ng opinyong kontra sa lumalaganap na extra-judicial killing at walang pakundangang paglabag sa due process.

Sa harap nito at sa kabila nito ay iniuulat ng PNP na nababawasan ang kriminalidad! Ano na kung gayon ang depinisyon nila ng kriminalidad? Inuulit-ulit ni Duterte ang malayo sa katotohanang “2-3 pulis ang napapatay sa bawat araw”.  Naglulubid si DOJ secretary Aguirre ng hindi mapapatunayan kaso laban sa mga “kaaway” nila sapagkat nakabatay sa affidavit ng patay na tao o bilanggong drug lord. Isasalang sa Kamara upang bago Pasko ay naibalik na ang “death penalty” at “naibaba na edad na 12 o 9 na taong gulang ang maaaring papanagutin sa kasong krimen”.  Ito ba ang pamasko ni Duterte sa bansa o para sa kanyang sarili?

Kasama ang bantang pagkakalas sa International Criminal Court (ICC), higit pa marahil ang kalagayang “pupuwersa” kay Duterte para “isuspinde ang writ of habeas corpus” at tumungo sa landas na kinahinatnan ng bayan sa ilalim ng paghahari ng kanyang dinadakilang diktador.

Maging alerto at huwag palalampasin ang bawat kontra-demokratiko at sadyang walang katinuang pakana ng kutsabaang Duterte-Marcos.

Huwag hayaang mapawi ang alaala ng malagim na nakaraan!

Mahigpit na hawakan, igiit at ipaglaban ang pagpapasya ng milyun-milyong mamamayang tumindig, nagpakasakit, lumaban hanggang nawakasan ang diktadurang Marcos!

Labanan ang panunumbalik sa kapangyarihan ng mga Marcos at panunumbalik ng tiraniya!

Sumulong sa pakikibaka para kamtin ang demokrasyang bayan!

 

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya

Nobyembre 21, 2016

‘Surprise’ Marcos Burial at the Libingan ng Mga Bayani: A grave Historical Injustice

 

no-hero

The Duterte administration will be equated with bringing on the greatest historical Injustice to the Filipino people springing forth from a ruling that exemplifies Duterte’s anti-democratic and autocratic ways.

By their actions, the family of former President Ferdinand Marcos acted like the plunderer and thieves they are as they underhandedly kept the Filipino people in the dark as they capitalized on the Supreme Court decision and the backing of President Duterte to bury the body of the dictator.

Clearly, the Marcoses do not care nor do they feel any remorse for their outright betrayal of the people’s sovereign will which was actualized by their overthrow in 1986. They are mistaken if by burying the body of the dictator, they can bury the crimes along with him.

Yes, he was a soldier but according to a study conducted by the National Historical Commission, his record was ‘fraught with myths, factual inconsistencies, and lies’ such as his medals, his rank and dubious and controversial war record.

He was elected president but one who abused his powers to plunder the country’s coffers, subjected his people to countless rights abuses and to perpetuate him and his cronies into power until the people, exercising their sovereign power, relegated the Marcoses in the dust bins of history.

How can such a man be made ‘worthy of emulation for generations and generations to come’ as mandated under the RA 289, which mandates who can be qualified to be buried at the Libingan ng mga Bayani (LNMB) nor be qualified under the AFP Regulations 161-375 since his record reeks of ‘moral turpitude’.

This senseless and shameful burial repeats several times the shame that the Marcos regime brought the nation, dismantles all honors and praises the world has given to the Filipino people for ending the dictatorship and opens the scars and renews the pain and injuries that the people suffered during the dark years of tyranny of the Marcos dictatorship.

We, from Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) are indignant over this betrayal of the people’s sovereign will. This is a dark day for democracy.

We are one with the growing popular movement that asserts the historical fact that Marcos was a tyrant and do not deserve to be at the LNMB. We enjoin everyone to uphold democracy and freedom and oppose all threats and violations of democratic and sovereign rights of the people. ###

 

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya

November 18, 2016