Manggagawa ka ba? Regular ka ba o Kontraktwal? (Usapang Manggagawa sa Araw ni Gat. Andres Bonifacio)

mggw-kb

Ang tutoo,  halos wala nang masyadong kaibahan ang dalawang kalagayan kung ang usapin ay ang katayuan sa ating mga trabaho kaugnay ng karapatan, seguridad at sahod sa ilalim ng sistemang umiiral.

Regular at Kontraktwal

Kung ikaw ay isang regular, mapalad ka nang kaunti dahil maaaring ipinapatupad sa iyo ang labor standards na ayon sa ating batas sa paggawa gaya ng minimum na sahod, walong (8) oras na paggawa, over time pay, 13th month pay, SIL, holiday pay at rest day o isang araw na pahinga sa bawat isang linggong pagtatrabaho. (At may katiting na alwan ang kalagayan kung may unyon dahil may mga benepisyong lagpas sa itinakda ng batas na maaaring makamtan bunga ng mga “labanan,” CBA, halimbawa.

 

Maaring ipinapatupad? Bakit parang may duda? Dahil hindi nakakamit ng maraming manggagawa sa kasalukuyan, naturingan mang regular, pero hindi nakakamit ang mga benepisyong binabanggit dahil sadyang hindi ipinapatupad ng mga switik at gahamang mga employer, dahil, una,  hindi ito alam ng mga manggagawa, at ikalawa, natatakot ang mga manggagawa na mapag-initan sila pag kinuwestiyon nila ang kani-kanilang employer. Nandyan naman sana ang DOLE upang siyasatin ang bawat pabrika sa nasasakupan ng kanilang satellite offices gamit ang kanilang “visitorial power,” ngunit hindi ito nagaganap. Kinakailangan pang sadyain muna sila ng mga manggagawa upang mag-reklamo, na dahilan pa lalo upang pag-initan ang mga ito at tanggalin sa trabaho. Ganyan kalakas ang loob ng mga gahamang employer dahil alam nilang kayang tapalan ng salapi ang mga korap sa pamahalaan. Bukod pa ito sa katotohanang napakalaki ng reserbang manggagawa, sa bawat isang regular na matatanggal, may mahabang pila ng manggagawang gustong pumalit- maamo, mura o tatanggap ng mababang sahod at higit sa lahat, kontraktwal.

Kung ikaw ay kontraktwal ay singhaba lamang ng ilang buwang nilalaman ng kontratang iyong nilagdaan ang haba ng iyong magiging pagtatrabaho.  Ibig sabihin,  sa tuwing matatapos ang kontrata at mawawalan ka na ng hanapbuhay, titigil din muna ang pag-inog ng iyong buhay sa kasalukuyan nating mundong nakatali sa kakarampot na sweldo ang lahat ng ating mga batayang pangangilangan. Ang “kakarampot” na iyan ay kung ipinapatupad sa iyo ang minimum na pasahod na itinakda ng batas, na malamang sa hindi.  ay hindi mo nga natatamasa dahil bilang kontraktwal ay agency ang nagpapasahod sa iyo. At dahil ang kita ng mga agency ay galing din lamang sa porsyentong kinotong sa sahod mo, kulang na ito pagdapo sa mga palad mo.

rwb

Sa umiiral na kalagayan, bago matapos ang isang kontrata, kinakailangang may tinatarget nang malilipatan ang isang manggagawang kontraktwal upang magpatuloy ang buhay niya sa mundo kung saan kontrolado ng mga kapitalista ang bawat buhay mula pagsilang hanggang kamatayan.

Ngunit hanggang kailan? Araw-araw ay humihigpit ang kompetisyon ng mga manggagawang patuloy na lumalago ang populasyon kumpara sa mga trabahong hindi naman nadadagdagan, bagkus ay nababawasan pa nga dahil sa pag-usad ng makabagong mga teknolohiya. Ibig sabihin, sasapit tayo sa edad na hindi na tayo kompetitib at wala nang panama sa papasok na bagong henerasyon ng manggagawa. Paano na?!!

 

Kulang at hindi kailanman sasapat ang sweldo 

Kung ikaw ay minimum wage earner  o sumasahod lamang ng minimum, hindi kaila sa iyo ang kakulangang ito dahil araw-araw natin itong kinakaharap. Aber, gumamit tayo ng kaunting matematiks upang linawin ito. Ang kasalukuyang salary rate para sa NCR ay P492.00. Hatiin o i-divide natin ang P492 sa average na limang (5) myembro ng pamilya (tatay, nanay at tatlong anak) at iluluwal ang halagang P98.40. Muli nating hatiin o i-divide ang P98.40 sa apat (4) na kain (agahan, tanghalian, meryenda at hapunan) at iluluwal ang halagang P24.60. (Hindi pa binabawas diyan ang tax, SSS, Philhealth na kinakaltas sa sahod bago pa man dumapo ito sa ating mga palad)

Malinaw na ipinakita sa ating simpleng kwenta na kulang na ang P492.00 na minimum wage para sa NCR, sa pagkain pa lamang! Paano na ang iba pang pangagailangan tulad ng upa sa bahay, tubig,  ilaw o kuryente, gamot pag may nagkasakit, damit at eskwela o pag aaral ng mga bata? Nakapagtataka pa ba kung bakit may mga manggagawang nakatira sa ilalim ng tulay?; kung may mga batang hindi makapag aral?; kung may mga sunog sa isang urbanisadong barangay na ang sanhi ay napabayaang kandila? Normal na rin

ngayon ang sakit sa bato sa mga bata dahil sa sobrang pagtitipid,  alat ng noodles at sitsirya, na pinakamurang ulam at meryenda ang nakahapag sa mesa sa tuwina.

At pasahod pa lamang sa NCR ang  ating pinag-uusapan. Paano na kaya ang mga taga karatig probinsya at ibang rehiyon na mababang sahod ang  itinakda ng inutil na wage boards sa kabila ng reyalidad na kung hindi man pareho lang ay mas mahal pa ang mga bilihin at serbisyo sa kadahilanang sa Kamaynilaan ang pinanggagalingan ng mga pangunahing produktong ito.

.               Sumagad sa pag-oobertaym ang solusyon ng karamihang manggagawa sa malaking  kakulangang ito, upang humabol ng dagdag na kita— na sa dulo ay tutungo sa sobrang produksyon kaya mauuwi rin sa forced leave ng mga manggagawa dahil “natapos nang gawin ngayon ang gawain sana para bukas.”

Pilit namang aangkop sa sitwasyon ang iba sa paghahanap ng “sideline” o ekstrang pagkakakitaan paglabas ng trabaho— mag pedikab,  maglako ng kung anu-ano, at iba pa, na pangunahin nang trabaho ng napakalaking bilang ng mga wala talagang mga trabaho.  Nangingibang bansa bilang OFW ang marami, samantalang natutulak ang ilan na pumasok sa mga anti-sosyal na gawain— pagpapataya ng huweteng/ending, part-time na pagpuputa at pinakasagad na,  ang pagpasok sa iligal na mga gawain gaya ng pagtutulak ng droga.

Ang solusyon ng gobyerno

Positibong kinikilala na ng gobyerno sa kasalukuyan ang kontraktwalisasyon bilang mayor na problemang pambansa. Nilaman ito ng kampanya ng halos lahat  ng presidentiables  nuong nakaraang eleksyon, bagamat mababaw ang pagtalakay  at tila ba simple lamang talaga sa karamihan ang usapin. Kasama si Duterte sa nagsabing  masama ang kontraktwalisasyon at nangakong ititigil ito.

Ngunit iba na ngayon ang tono,  at ang sinasabi na ni Sec. Bello ay ipatitigil ang “endo”.   Ibig sabihin,  tuloy tuloy na ang mga trabaho at hindi na kinakailangang tumigil at mag-renew ng kontrata ang mga manggagawang kontraktwal tuwing ika-limang (5) buwan. Nauna rito ay inatasan ang mga agency na mag-comply sa sinasabi ng DO 18-A upang maging lehitimong job contractor.

Aba, eh kanino ba tayo ire-regular? Sa tinatakbo ng mga debelopment,  malinaw na sa agency tayo ire-regular at hindi sa principal. Kung magkakagayon,  napaka-bulnerable pa rin ng ating mga kalagayan dahil sa oras na hindi na mabigyan ng kontrata ng principal ang agency ay wala na rin tayong mga trabaho.  Co-terminus ang ating mga panunungkulan sa agency sa kontratang namamagitan sa kanilang dalawa ng principal. Eh sa maraming pagkakataon,  magkaka-kutsaba ang mga iyan. Paano na?

 

Nasa ating mga kamay ang solusyon

Tunay na wala tayo ni katiting na maasahan kahit sino pa ang manungkulan sa Malakanyang sa kasalukuyang panahong malalaking kapitalista ang nangingibabaw. Ang tunay na pagkakamit ng segurado, permanente at trabahong nakalaan at sasapat para sa lahat ay kung lilinangin at gagamitin ng ating pamahalaan ang mga likas  na yaman at lakas paggawa ng bayan sa pambansang industriyalisasyon. Hangga’t wala sa atin ang mga mayor na produksyon na magluluwal ng segurado at maramihang trabaho, walang maaasahan ni katiting na pag unlad ang ating bayan at ang mga mamamayang Pilipino. Hangga’t ang mga pangunahing industriya ay nasa kontrol ng pribado at mga dayuhang kapitalista,lalo’t pinapayagan ang halos lahat ng gustuhin nilang negosyo at patakaran kaugnay ng paggawa,  nganga ang mga manggagawang Pilipino!

 

Pangungunahan ng mga Manggagawa ang laban  

Tama! Bilang pinakaabanteng uri sa lipunan, marapat na tanganan ng mga manggagawa ang tungkulin ng  pagpapalaya sa bayan. Bilang araw-araw na kaharap ng pwersa ng kapital sa ating mga pabrika/planta, araw-araw nating tungkulin ang mag-organisa tungo sa pagpapapalakas ng hanay. Organisahin natin ang mga manggagawa sa mga linya ng industriya, mga unyon o asosasyon, at sa anong porma mang ipapahintulot ng sitwasyon. Oorganisahin natin sila sa mga pabrika, sa mga linya ng gawain (trade skills), at susundan sa mga komunidad upang buuin ang mga asosasyon.

Sa milyong bilang, kasanayan at determinasyon, at sa tamang panahon, kakamtin natin ang kalagayang lahat ay may marangal na trabaho at may makabubuhay na sweldo ang lahat,  pumapasok sa eskwela ang mga bata, may sapat na pagkain para sa lahat. At hindi na kinakailangang iwanan ng mga nanay ang sariling mga anak upang mag alaga ng anak ng iba sa ibayong dagat.

 

Workers for Peoples’ Liberation (WPL)

Nobyembre 30, 2016    

Advertisements

Matatag, Sapat na Trabaho Bayang Progresibo: Mamamayan ang Nagpapasya

mggw

Sa halip na malayang bayan, ipinwersa ng lokal na naghaharing uri at ng kanilang dayuhang amo ang kaayusang neokolonyal sa mamamayan makaraan ang apat na dekada ng tuwirang pananakop ng US. Itinali ang Pilipinas sa utang at mga kondisyon.  Hinadlangan ang pagyabong ng nagsasariling ekonomya at iginapos ito sa walang habas na pandarambong.  Gaya ng kundisyong pinagsibulan ng rebolusyon, nanatili’t higit na lumawak ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.Nakalatay sa pambansang ekonomya ang kabiguan ng Rebolusyong 1896. Bigo na ito nang paslangin si Gat. Andres Bonifacio bago bumagsak ang kolonyalistang Espanyol, nawaldas pa nang husto nang ipinagkanulo ito at isuko ng mga elitistang lider ng himagsikan sa imperyalistang Amerkano.

Sa ilalim ng neokolonyalismo, napabilang ang Pilipinas sa mga atrasadong ekonomya sa daigdig.  Makikita ito hanggang ngayon, sa katayuan ng kanyang lakas paggawa— ng mga manggagawang pinagmulan din ng bayaning si Andres:

  • Anim sa bawat sampung Pilipino ay nasa hanapbuhay na impormal at walang tiyak na trabaho o kita—mala-manggagawa at impormal na serbisyo mula sa pagpapandar ng pedikab, vendor ng kung-anu-ano at kung saan-saan, manggagawa sa kontsruksyon, manggagawang bukid at mga indibidwal na diskarte, at iba pa.
  • Katambal nilang bumubuhay sa ekonomya ang 2.4 milyong OFWs, mga kontraktwal na obrero at iilang porsyentong regular na mangagagawa at propesyunal.

contractualization

  • Sasanib sa kanila ang .5 milyong  gradweyt ng kolehiyo at 1.5 milyong sinanay sa mga institusyong teknikal kabilang ang pinatatakbo ng gubyerno gaya ng Tesda nuong 2015. Malaking bahagi sa kanila ang napabilang sa karaniwang 10 milyong walang trabaho taun-taon.
  • 3 % ng 100 milyong Pilipino ang nasa ilalim ng poverty line, kapos kahit sa pagkain.

Ang malungkot,  kailangan pang igiit ang pagwawakas ng kondisyong ito sa gubyernong Duterte.  Sa kanyang mga pahayag at sa aktwal na itinataguyod nitong 10 point economic program, magpapatuloy ang patakarang neoliberal.  Isasagad ito sa planong chacha ng kongreso kasabay ng proyekto sa pederalismo. Itutulak sa gitna ng paglabag sa karapatang pantao bunsod ng gyera sa droga.

Itatambal ito sa pag-oorganisa ng Masa Masid—ang pangmasang organisasyong paniktik na nanganganib na lumikha ng hidwaan sa mga komunidad.

Nangyayari ang lahat ng ito habang may banta sa suspensyon ng writ of habeas corpus at binabaklas sa kasaysayan ang kalupitan ng neokolonyal na sistemang higit na pinabangis ng diktadurang Marcos nang ipasya ni Duterte, sa pagsang-ayon ng Korte Suprema, na ilibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Neoliberalismo ang patakaran ngayon ng pandaigdigang kapitalismo para makaahon sa kumunoy ng nagpapatuloy nitong krisis at patuloy na dambungin ang yaman ng mahihinang bayan.  Tinatanggal ng patakarang neoliberal ang papel ng gubyerno sa serbisyong publiko at iba pang estratehikong negosyo at ipinapaubaya ito sa mga pribadong bangko at korporasyon para pagtubuan.

Mahalagang sangkap na pinaiiral nito ang kontraktwalisasyon ng paggawa at pagbabawal sa pag-oorganisa at pagkilos para bigyan ng ganap na kalayaan ang kapital na idikta at baratin ang sahod at benipisyo ng manggagawa.

Lantad ito sa nakalipas na ilang dekada ng pagpapairal ng neoliberalismo sa Pilipinas.  Sa panahon ni Pres. Noynoy Aquino, kinontrol ng 40 pamilya ang pakinabang sa lokal na ekonomya.

Malaon nang ipinakita ng mga abanteng bayan, kabilang ang mga kapitbayang Asean, na upang maging progresibo ang ekonomiya, kailangang  kumawala sa dayuhang kontrol at mga dikta.  Dapat pagpasyahan ang sariling landas ng ekonomya ayon sa pagpapairal ng soberanya ng mamamayan sa sariling yamang likas at lakas paggawa.

Malaon nang kinilala ang halaga ng kumbinasyon ng modernong agrikultura at industriyalisasyon para sumulong, likhain ang kasapatan sa pagkain at iba pang pangangailangan ng lipunan.  Ito ang pinakamatatag na pundasyon sa paglikha ng sapat at marangal na hanapbuhay para sa mamamayan.

Sa malayang ekonomya, malilikha ang pambansang kapital na dating hinuhuthot at inililipad ng dayuhan.  Magagamit ito sa pag-aangat ng industriya at agrikultura.  Mapaplano ang pagmimina ng estratehikong mineral batay sa pangangailangan ng lipunan. Maiaangat ang sahod ng paggawa.  Mababawasan hanggang sa mapapawi ang pwersadong pangingibang bayan ng mga Pilipino para maghanapbuhay.

Mula sa yamang likha ng lipunan, mapalalaki ang rekurso sa serbisyong publiko.  Mapapalawak ang karapatan sa edukasyon.  Matitiyak ang kalusugan ng mamamayan.  Mapapalakas din ng matatag at malayang ekonomya, at nang sapat ang kakayanang populasyon,  ang kapasidad ng lipunan na ipagtanggol ang sarili laban sa anumang anyo ng dayuhang panghihimasok.

Dito importante ang independyenteng patakarang panlabas. Tiyaking walang tali ang lahat ng mga kasunduang multilateral at bilateral na papasukin ng gubyerno.  Para patunayang independyente at walang kinikilingan, ipagbawal ang anumang anyo ng pagbabase ng dayuhang pwersa sa Pilipinas.

Kung gayon, dapat ipawalang-saysay ng gubyernong Duterte ang EDCA, VFA at ang pinagmulan nitong US-Ph Mutual Defense Treaty.  Kailangan ding mag-ingat sa pagdikit sa China at iba pang lumalakas na kapitalistang kapangyarihan, alang-alang sa interes ng sambayanang Pilipino at hindi para maglipat ng katapatan sa panibagong amo.

Matatag na ekonomiya at nagsasariling estado ang nais itindig nina Bonifacio.  Demokratiko at Soberano. Nakakaraming mamamayan ang nagpapasya.

Sa edad na 29, pinamunuan niya ang pagtatatag ng Katipunan para ipaglaban ang kasarinlan ng bansa at likhain ang kondisyon sa masaganang buhay para sa mamamayan.  Nobyembre 30, 2016  ang  ika-153 guning-taon ng kaarawan ni Gat. Andres. Ipagdiwang natin ito sa higit pang pagpapasaklaw ng kilusang manggagawa at kilusan ng mamamayan para sa tunay na soberanya, demokrasya at kalayaan.

Workers for Peoples’ Liberation (WPL)

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (Kilusan)

Nobyembre 30, 2016