Manggagawa ka ba? Regular ka ba o Kontraktwal? (Usapang Manggagawa sa Araw ni Gat. Andres Bonifacio)

mggw-kb

Ang tutoo,  halos wala nang masyadong kaibahan ang dalawang kalagayan kung ang usapin ay ang katayuan sa ating mga trabaho kaugnay ng karapatan, seguridad at sahod sa ilalim ng sistemang umiiral.

Regular at Kontraktwal

Kung ikaw ay isang regular, mapalad ka nang kaunti dahil maaaring ipinapatupad sa iyo ang labor standards na ayon sa ating batas sa paggawa gaya ng minimum na sahod, walong (8) oras na paggawa, over time pay, 13th month pay, SIL, holiday pay at rest day o isang araw na pahinga sa bawat isang linggong pagtatrabaho. (At may katiting na alwan ang kalagayan kung may unyon dahil may mga benepisyong lagpas sa itinakda ng batas na maaaring makamtan bunga ng mga “labanan,” CBA, halimbawa.

 

Maaring ipinapatupad? Bakit parang may duda? Dahil hindi nakakamit ng maraming manggagawa sa kasalukuyan, naturingan mang regular, pero hindi nakakamit ang mga benepisyong binabanggit dahil sadyang hindi ipinapatupad ng mga switik at gahamang mga employer, dahil, una,  hindi ito alam ng mga manggagawa, at ikalawa, natatakot ang mga manggagawa na mapag-initan sila pag kinuwestiyon nila ang kani-kanilang employer. Nandyan naman sana ang DOLE upang siyasatin ang bawat pabrika sa nasasakupan ng kanilang satellite offices gamit ang kanilang “visitorial power,” ngunit hindi ito nagaganap. Kinakailangan pang sadyain muna sila ng mga manggagawa upang mag-reklamo, na dahilan pa lalo upang pag-initan ang mga ito at tanggalin sa trabaho. Ganyan kalakas ang loob ng mga gahamang employer dahil alam nilang kayang tapalan ng salapi ang mga korap sa pamahalaan. Bukod pa ito sa katotohanang napakalaki ng reserbang manggagawa, sa bawat isang regular na matatanggal, may mahabang pila ng manggagawang gustong pumalit- maamo, mura o tatanggap ng mababang sahod at higit sa lahat, kontraktwal.

Kung ikaw ay kontraktwal ay singhaba lamang ng ilang buwang nilalaman ng kontratang iyong nilagdaan ang haba ng iyong magiging pagtatrabaho.  Ibig sabihin,  sa tuwing matatapos ang kontrata at mawawalan ka na ng hanapbuhay, titigil din muna ang pag-inog ng iyong buhay sa kasalukuyan nating mundong nakatali sa kakarampot na sweldo ang lahat ng ating mga batayang pangangilangan. Ang “kakarampot” na iyan ay kung ipinapatupad sa iyo ang minimum na pasahod na itinakda ng batas, na malamang sa hindi.  ay hindi mo nga natatamasa dahil bilang kontraktwal ay agency ang nagpapasahod sa iyo. At dahil ang kita ng mga agency ay galing din lamang sa porsyentong kinotong sa sahod mo, kulang na ito pagdapo sa mga palad mo.

rwb

Sa umiiral na kalagayan, bago matapos ang isang kontrata, kinakailangang may tinatarget nang malilipatan ang isang manggagawang kontraktwal upang magpatuloy ang buhay niya sa mundo kung saan kontrolado ng mga kapitalista ang bawat buhay mula pagsilang hanggang kamatayan.

Ngunit hanggang kailan? Araw-araw ay humihigpit ang kompetisyon ng mga manggagawang patuloy na lumalago ang populasyon kumpara sa mga trabahong hindi naman nadadagdagan, bagkus ay nababawasan pa nga dahil sa pag-usad ng makabagong mga teknolohiya. Ibig sabihin, sasapit tayo sa edad na hindi na tayo kompetitib at wala nang panama sa papasok na bagong henerasyon ng manggagawa. Paano na?!!

 

Kulang at hindi kailanman sasapat ang sweldo 

Kung ikaw ay minimum wage earner  o sumasahod lamang ng minimum, hindi kaila sa iyo ang kakulangang ito dahil araw-araw natin itong kinakaharap. Aber, gumamit tayo ng kaunting matematiks upang linawin ito. Ang kasalukuyang salary rate para sa NCR ay P492.00. Hatiin o i-divide natin ang P492 sa average na limang (5) myembro ng pamilya (tatay, nanay at tatlong anak) at iluluwal ang halagang P98.40. Muli nating hatiin o i-divide ang P98.40 sa apat (4) na kain (agahan, tanghalian, meryenda at hapunan) at iluluwal ang halagang P24.60. (Hindi pa binabawas diyan ang tax, SSS, Philhealth na kinakaltas sa sahod bago pa man dumapo ito sa ating mga palad)

Malinaw na ipinakita sa ating simpleng kwenta na kulang na ang P492.00 na minimum wage para sa NCR, sa pagkain pa lamang! Paano na ang iba pang pangagailangan tulad ng upa sa bahay, tubig,  ilaw o kuryente, gamot pag may nagkasakit, damit at eskwela o pag aaral ng mga bata? Nakapagtataka pa ba kung bakit may mga manggagawang nakatira sa ilalim ng tulay?; kung may mga batang hindi makapag aral?; kung may mga sunog sa isang urbanisadong barangay na ang sanhi ay napabayaang kandila? Normal na rin

ngayon ang sakit sa bato sa mga bata dahil sa sobrang pagtitipid,  alat ng noodles at sitsirya, na pinakamurang ulam at meryenda ang nakahapag sa mesa sa tuwina.

At pasahod pa lamang sa NCR ang  ating pinag-uusapan. Paano na kaya ang mga taga karatig probinsya at ibang rehiyon na mababang sahod ang  itinakda ng inutil na wage boards sa kabila ng reyalidad na kung hindi man pareho lang ay mas mahal pa ang mga bilihin at serbisyo sa kadahilanang sa Kamaynilaan ang pinanggagalingan ng mga pangunahing produktong ito.

.               Sumagad sa pag-oobertaym ang solusyon ng karamihang manggagawa sa malaking  kakulangang ito, upang humabol ng dagdag na kita— na sa dulo ay tutungo sa sobrang produksyon kaya mauuwi rin sa forced leave ng mga manggagawa dahil “natapos nang gawin ngayon ang gawain sana para bukas.”

Pilit namang aangkop sa sitwasyon ang iba sa paghahanap ng “sideline” o ekstrang pagkakakitaan paglabas ng trabaho— mag pedikab,  maglako ng kung anu-ano, at iba pa, na pangunahin nang trabaho ng napakalaking bilang ng mga wala talagang mga trabaho.  Nangingibang bansa bilang OFW ang marami, samantalang natutulak ang ilan na pumasok sa mga anti-sosyal na gawain— pagpapataya ng huweteng/ending, part-time na pagpuputa at pinakasagad na,  ang pagpasok sa iligal na mga gawain gaya ng pagtutulak ng droga.

Ang solusyon ng gobyerno

Positibong kinikilala na ng gobyerno sa kasalukuyan ang kontraktwalisasyon bilang mayor na problemang pambansa. Nilaman ito ng kampanya ng halos lahat  ng presidentiables  nuong nakaraang eleksyon, bagamat mababaw ang pagtalakay  at tila ba simple lamang talaga sa karamihan ang usapin. Kasama si Duterte sa nagsabing  masama ang kontraktwalisasyon at nangakong ititigil ito.

Ngunit iba na ngayon ang tono,  at ang sinasabi na ni Sec. Bello ay ipatitigil ang “endo”.   Ibig sabihin,  tuloy tuloy na ang mga trabaho at hindi na kinakailangang tumigil at mag-renew ng kontrata ang mga manggagawang kontraktwal tuwing ika-limang (5) buwan. Nauna rito ay inatasan ang mga agency na mag-comply sa sinasabi ng DO 18-A upang maging lehitimong job contractor.

Aba, eh kanino ba tayo ire-regular? Sa tinatakbo ng mga debelopment,  malinaw na sa agency tayo ire-regular at hindi sa principal. Kung magkakagayon,  napaka-bulnerable pa rin ng ating mga kalagayan dahil sa oras na hindi na mabigyan ng kontrata ng principal ang agency ay wala na rin tayong mga trabaho.  Co-terminus ang ating mga panunungkulan sa agency sa kontratang namamagitan sa kanilang dalawa ng principal. Eh sa maraming pagkakataon,  magkaka-kutsaba ang mga iyan. Paano na?

 

Nasa ating mga kamay ang solusyon

Tunay na wala tayo ni katiting na maasahan kahit sino pa ang manungkulan sa Malakanyang sa kasalukuyang panahong malalaking kapitalista ang nangingibabaw. Ang tunay na pagkakamit ng segurado, permanente at trabahong nakalaan at sasapat para sa lahat ay kung lilinangin at gagamitin ng ating pamahalaan ang mga likas  na yaman at lakas paggawa ng bayan sa pambansang industriyalisasyon. Hangga’t wala sa atin ang mga mayor na produksyon na magluluwal ng segurado at maramihang trabaho, walang maaasahan ni katiting na pag unlad ang ating bayan at ang mga mamamayang Pilipino. Hangga’t ang mga pangunahing industriya ay nasa kontrol ng pribado at mga dayuhang kapitalista,lalo’t pinapayagan ang halos lahat ng gustuhin nilang negosyo at patakaran kaugnay ng paggawa,  nganga ang mga manggagawang Pilipino!

 

Pangungunahan ng mga Manggagawa ang laban  

Tama! Bilang pinakaabanteng uri sa lipunan, marapat na tanganan ng mga manggagawa ang tungkulin ng  pagpapalaya sa bayan. Bilang araw-araw na kaharap ng pwersa ng kapital sa ating mga pabrika/planta, araw-araw nating tungkulin ang mag-organisa tungo sa pagpapapalakas ng hanay. Organisahin natin ang mga manggagawa sa mga linya ng industriya, mga unyon o asosasyon, at sa anong porma mang ipapahintulot ng sitwasyon. Oorganisahin natin sila sa mga pabrika, sa mga linya ng gawain (trade skills), at susundan sa mga komunidad upang buuin ang mga asosasyon.

Sa milyong bilang, kasanayan at determinasyon, at sa tamang panahon, kakamtin natin ang kalagayang lahat ay may marangal na trabaho at may makabubuhay na sweldo ang lahat,  pumapasok sa eskwela ang mga bata, may sapat na pagkain para sa lahat. At hindi na kinakailangang iwanan ng mga nanay ang sariling mga anak upang mag alaga ng anak ng iba sa ibayong dagat.

 

Workers for Peoples’ Liberation (WPL)

Nobyembre 30, 2016    

Duterte Is Right to End the U.S.-Philippine Military Exercises

Walden Bello, a former Philippine congressman, is a visiting research fellow at the Center for Southeast Asian Studies at Kyoto University.

Though I have strongly criticized the methods of President Rodrigo Duterte’s war on drugs, I agree with his expressed intent of ending the United States-Philippine military exercises. And I hope he is not bluffing, as many suspect. Read more.

 

Pebrero 3-Marso 3, 1945: Battle of Manila

Pinakamalupit na urban figthing ang Laban ng Maynila (Battle of Manila) sa kampanya ng US na bawiin ang mga kolonyang inagaw ng Japan sa Pasipiko, Pebrero 3-Marso 3, 1945.
Itinuturing na susi ang pagbawi ng Maynila sa paggapi ni Gen Douglas MacArthur sa sandatahang pwersa ng imperyalistang Japan (1942-1945). Naging hudyat din ito ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kumbinasyon ng desperadong hakbang ng mga Hapones at panganganyon at aerial bombardment ng mga Amerkano, 100,000 Pilipino ang namatay at daang libo ang sugatan. Napatay ang 1,010 na sundalong Kano at 16,665 ang napaslang na Hapones sa Intramuros pa lamang. Maihahambing ang pinsala at bilang ng namatay sa tindi ng epekto ng pagsabog ng atomic bomb sa Hiroshima, Agosto 6, 1945.
Ipinagkaluob ng US ang “kasarinlan” sa Pilipinas na sinakop nito nuon pang 1899 sa pagtatapos ng World War II. Tapos na ang bisa ng Tydings-McDuffie Law na nagbigay ng 10-taong palugit para sanayin ang mga lokal na pulitiko na mamahala sa kolonya. Idinaos ang pambansang halalan, Abril 23, 1946 at nanalo si Manuel Roxas bilang huling pangulo ng Commonwealth at unang pangulo ng Ikatlong Republika.

battle of manila bay1
Sa gitna ng pinsalang tinamo, iginapos ng US ang Pilipinas sa mga kasunduang tumitiyak na mananatili ito bilang neokolonya. Ginamit ng US ang pangakong $620M pondo sa reparasyon o bayad pinsala sa digmaan na itinadhana ng Philippine Rehabilitation Act of 1946 mula sa US Congress upang paluhurin at maseguro ang paglagda ng Pilipinas sa mga kasunduang ito.

battle of manila bay2
Nangunguna sa mga ito ang US-RP Treaty on General Relations (Hulyo 4, 1946). Gayung binibitiwan na ng US ang lahat ng kapangyarihan at karapatan sa pag-aari, pangangasiwa, hurisdiksyon at kontrol sa teritoryo at mamamayan ng Pilipinas, pinanatili ng tratado ang kapangyarihan at karapatan nito sa kanyang mga base militar, lupaing kailangan sa pagmantini nito at mga karapatan sa loob ng mga ito.
Binigyan din ng tratado ng kapangyarihan ang US na katawanin ang bansa sa mga bayang wala pang embahada ang Pilipinas. Ipinaako sa Republika ng Pilipinas ang lahat ng balanse ng utang at bayarin ng Philippine Islands na pinagpasyahan ng US Congress bago ang Mayo 1, 1934. Ipinapasan sa gubyernong Pilipino ang lahat ng natitirang obligasyon ng US sa Spain na nilaman ng Tratado ng Paris.
Kasabay na ipinatupad ang Bell Trade Act na isinabatas ng US Congress, 1945 (inaprubahan ng Kongreso ng Pilipinas, Hulyo 2, 1946). Ipagpapatuloy nito ang “malayang kalakalan” sa pagitan ng US at Pilipinas hanggang 1954 at mula rito ay ang pagpapataw ng papataas na taripa na 5% bawat taon hanggang abutin ang 100% sa taong 1974.
Pinakakontrobersyal na probisyon ng Bell Trade Act ang “parity clause,” na nagbibigay kapwa sa mga Pilipino at Amerkano ng pantay na karapatan sa ekonomya, kabilang ang paglinang sa likas na yaman at mineral. Nagbanta ang US na, maliban sa walang maaasahang bayad pinsala sa gera ang Pilipinas, maaaring ipawalang-bisa ng presidente ng US ang alinmang bahagi ng mga kasunduang pangkalakalan ng US sa bansa kung hindi titiyakin ang karapatang ito (International Business Publications;US Library of Congress; Countrystudies.us/philippines).
Nagkumahog ang gubyernong Roxas at ang Kongreso ng Pilipinas para sundin ang utos na ito. Dominado ng mga panginoong maylupa at komprador ang Kongreso. Sila ang nakikinabang sa pakikipagkalakan sa US. Hawak nila ang quota at kontrata sa eksport dito ng asukal, kopra, abaka, atbp.
Dahil taliwas sa Konstitusyong 1935, pinagpasyahan ng Kongreso ang pagsalaksak ng susog parity sa saligang batas, Setyembre 18, 1946. Hindi nila pinayagang bumoto sa deliberasyon ang anim na kinatawan ng Democratic Alliance at tatlo mula sa Nacionalista Party na pinakamatitibay na oposisyon sa pag-amyenda sa konstitusyon. Naipinal ito ng pambansang plebisito, Marso 11, 1947.K

Disyembre 6, 1956: Pagsasauli sa Pilipinas ng Lahat ng karapatan at Title Claims ng US sa mga Lupaing Saklaw ng US Bases

Pormal na ipinagkaloob ng US sa pamahalaang Pilipino sa seremonya sa Malacanang ang lahat ng karapatan at title claims sa 199,570 ektaryang lupang saklaw ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Pagtupad ito sa komitment ng US sa magkasamang pahayag nina President Ramon Magsaysay at ni US Vice President Richard Nixon ukol ditto, Hulyo 3, 1956.
Humantong sa seremonyang ito ang mainit na debateng legal sa pagitan nina US Attorney General Herbert Brownell, Jr at ng pinuno ng Phil. Senate Committee on National Defense and Security na si Claro M. Recto. Batikang abugado at matagal na nagsilbi sa kolonyal na gubyerno si Recto, kabilang ang pagkapresidente ng Philippine Constitutional Convention sa ilalim ng Tydings-McDuffie Law.

Senator Claro M. Recto

Senator Claro M. Recto

Pumutok ang legal na debate nang malathala ang isang bahagi ng opinyon ni Brownell sa The Manila Chronicle, Marso 17, 1954, tatlong araw makaraan ang ikapitong anibersaryo ng Military Bases Agreement (MBA): may mga titulo ang US sa mga base militar. Ito ang tutuntungan sa bagong pakikipagnegosasyon ng US sa Pilipinas. Gustong palawakin pa ng US ang operasyon at saklaw ng mga base militar. Umiigting ang cold war—ang pulitikal, ekonomiko at diplomatikong labanan ng US at ng Russia — at nais ampatin ng US ang paglaganap ng mga progresibong kilusan sa Asia.
Pinanatili ng MBA ang ilan sa pinakamalalaking base militar ng US, habang nasa 30 ang isinara o ibinigay sa gubyernong Pilipino. Itinindig ang mga ito sa panahon ng tuwirang pananakop ng US, 1899-1945.
Iginiit ni Brownell na sa pagkakaloob ng US ng kalayaan sa Pilipinas, nanatili ang pagmamay-ari ng US sa lupang saklaw ng mga base militar. May Torrens Certificates of Title ang mga ito na iginawad ng US Presidential Executive Orders.
Sinikap patunayan ni Brownell na sa lahat ng legal na instrumento mula sa Tydings-McDuffie Law hanggang MBA, walang pagsasalin ng karapatan sa Pilipinas sa ari-ariang sangkot ang mga base, at ang kasunduan ukol dito ay gagawin pa sa hinaharap. At dahil wala pa ang mga kasunduan para dito, mananatiling pag-aari ng US ang mga lupa kahit pa nailipat na ang soberanya ukol dito sa Pilipinas.
Pinulbos ni Recto ang mga argumento ni Brownell. Ginamit din ng senador ang mga dokumentong pinagsanggunian ng US attorney general. Binalikan ni Recto ang kasaysayan:
Sa proklamasyon ni US President Harry Truman sa kalayaan ng Pilipinas, Hulyo 4, 1946, binitiwan ng US ang karapatan at kapangyarihan sa Pilipinas, “maliban sa ilang reserbasyon na naruon at gagawin pa.” Matapos iyon, nilagdaan ng dalawang bansa ang Treaty of General Relations. Isinurender ng US sa Artikulo I nito ang “lahat ng posesyon, superbisyon, hurisdiksyon, kontrol at soberanya na taglay at ginagampanan ng US sa teritoryo at mamamayan,” ng Pilipinas, “maliban sa paggamit ng mga base, mga dagdag na kasangkapan sa mga baseng ito, at mga karapatang kaakibat nito, na naaayon sa kasunduan ng US at Pilipinas…..”
Inilinaw din sa preambulo ng MBA, na, “sa pagganap sa karapatan at soberanya, binibigyan ng Pilipinas ang United States of America, ng karapatang gamitin nang walang bayad, ang mga tiyak na lupang publiko, para sa pagtataguyod ng mutwal na interes ng dalawang bansa.”  Idiniin ni Recto ang salitang paggamit (use) na siyang laman ng mga kasunduan. Isinuko na ng US ang kapangyarihan nito sa Pilipinas, at kakabit dito ang kapangyarihan sa lupa. Sinabi niya bilang pangwakas. na, “ hindi pwedeng ipahiram ng Pilipinas ang mga base militar kung hindi siya ang may-ari ng mga ito.”
Matapos mapagkumbinsing linawin ang karapat-dapat na kapangyarihan ng Pilipinas sa mga base militar, binatikos ni Recto sa kasunod na mga pahayag ang di-pantay na relasyon ng US at Pilipinas. Nanawagan siya para sa malayang patakarang panlabas, hindi patakarang palasunod sa dikta ng US. Idiniin niyang hindi tunay na makakaimpluwensya ang Pilipinas sa Asia, “hanggang ang tingin sa kanya ng Asia ay papet ng Amerika, na ang tanging mga patakaran ay ang mga patakaran ng United States.”
Masakit na katotohanan itong paulit-ulit na sumusugat sa kamalayan ng mamamayan; mula sa mga Pilipinong pinagkamalang babuyramo at pinatay ng sundalong Kano sa loob ng mga dating base militar; hanggang sa mga Pilipinang ginahasa at pinaslang, mahigit dalawang dekada matapos isara ang mga dayuhang base militar, at ang mga salarin ay hindi naparusahan.
Ibinasura ng Philippine Senate ang MBA, 1991, sa gitna ng malakas na kilusang anti-base militar sa panahon ni Pres. Cory Aquino. Ngayo’y nakalukob muli sa bayan ang mga bagong kasunduang militar sa US—ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), upang muling magbase sa bansa ang mga tropang Kano kahit ibinabawal ito ng Konstitusyong 1987.
Itinatali ng ganitong mga kasunduan ang Pilipinas sa hindi nalalagot na neokolonyal na relasyon sa US, na itinaguyod ng mga lokal na pulitiko at mga elite upang pangasiwaan ang tanging neokolonya ng US sa Asya-Pasipiko.K
Sanggunian: American Military Bases in the Philippines: The Brownell Opinion. Roberto Paterno; Philippine Studies vol. 12, no. 3 (1964), Ateneo de Manila University; Journal of American Chamber of Commerce of the Philippines, Volume 33, No 1, Enero 1957- sinipi ng Kahimyang Project, Disyembre 2012;

Setyembre 28, 1901: Engkwentro sa Balangiga Sunugin ang Samar!

Libu-libo ang minasaker, daan-daang bahay ang sinunog ng mga sundalong Amerkano sa kanilang kampanya ng paglipol sa mamamayan ng Samar, Oktubre 1901- Enero 1902.

Dumating sa Balangiga, Isla ng Samar, ang Company C ng 9th US Infantry Regiment, Agosto 11, 1901. Bahagi ng umiigting na pananakop ng US sa Pilipinas.
Maayos sa simula ang kanilang relasyon sa mamamayan ng Balangiga. Nagsimula ang tensyon nang bastusin ng dalawang lasing na sundalong Amerkano ang babaing nakabantay sa tindahan ng tuba, Setyembre 22. Dahilan upang bugbugin sila ng mga lalaking kapatid nito.

samar
Dahil sa gulping inabot ng dalawa, inaresto ng mga Amerkano ang 143 kalalakihan. Siksikan silang idinitine sa mga tents . Hindi sila pinakain. Pwersahang pinaglinis sa plasa. Hinalughog ang kanilang mga bahay. Sinamsam ang lahat ng matalas gaya ng gulok, karet at itak. Kinumpiska ang kanilang bigas. Sinira ang mga kamalig.
Dahil sa naranasang pagkaapi, nagplano ng pagsalakay sa kampo ng mga Kano ang mga residente. Pinamunuan ito ni Valeriano Abanador ─ lokal na hepe ng pulis. Katuwang niya ang mga lider gerilya na sina Capt. Eugenio Daza at Sgt. Pedro Duran Sr., kapwa nasa ilalim ng pamumuno ni Gen. Vicente Lucban. Kasama rin ang lider ng kababaihan na si Casiana Nacionales.
Ginamit nila ang novena at prusisyon upang makaposisyon. Nagdamit pambabae ang ilan sa kalalakihan. Madaling-araw ng Setyembre 28, lihim nilang pinalikas muna ang mga babae at bata. At, sa senyal ng kampana, umalingawngaw ang, “atake, mga Balangigan-on!”
Pitong pangkat na binubuo ng 500 katao ang sumalakay. Mula sa halos lahat ng pamilya sa Balangiga na nuon ay saklaw ang mga bayan ngayon ng Lawaan, Giporlos at Quinapundan.
Umagos ang dugo ng mga mananakop. Humagis kabi-kabila ang mga katawang nahagip ng tingga at gulok. Hindi magkamayaw ang sigaw. Malaking engkwentro ito. Bunsod ng kagustuhang lumaya ng mga Samareño na aktibo na ring lumahok sa rebolusyon laban sa mga Espanyol.
Sa 74 na sundalong Amerkano, 48 ang namatay, 26 ang nakaligtas,at 22 ang malubhang nasugatan. Kinumpiska ng mga gerilya ang 100 riple at 25,000 bala. Subalit nakabawi ng inisyatiba ang mga sundalong Amerkano. Naagaw nilang muli ang munisipyo at makapagsustini ng putok. Resulta — 28 ang kanilang napatay at 22 pa ang nasugatan sa mga Pilipino.
Galit na sumumpa si Maj. Gen. Adna R. Chaffee, US military governor ng “unpacified” na mga lugar sa Pilipinas. Ipaiilalim niya sa “batas ng bayoneta” ang mga Pilipino. Pagsunod ito sa utos ni US Pres. Theodore Roosevelt na ilunsad ang “pinakamabangis na pagpayapa sa Samar!”
Itinalaga ni Chaffee si Brig. Gen Jacob “Howlin Jake” Smith sa Samar na nag-utos sa kanyang mga tauhan na “gawing umuungol na ilang (wilderness)” ang Samar. Ipinagsigawan niyang “hindi ko kailangan ng mga bihag!” at “gusto kong pumatay at manunog kayo; mas marami, mas masisiyahan ako!” Pinapatay niya ang lahat ng 10 taong gulang pataas at may kakayahang mag-armas.
Ipinagmalaki sa report ni Major Littleton Waller, isa sa mga opisyal ni Smith, na nakapanunog na ng 255 bahay, kumatay ng 13 kalabaw at pumatay ng 39 katao sa 11 araw na tuluy-tuloy na kampanya ang kanyang yunit. Nagreport din ng katulad na aktibidad ang iba pang opisyal.
Walang saktong bilang ng mga Pilipinong minasaker ng mga Amerkano sa Samar. Hindi lalayo ito sa 2,500 ayon sa taya ng ilang dayuhang manunulat. Para sa mga istoryador na Pilipino, aabot ito ng 50,000.
Kinumpiska ng mga Amerkano ang tatlong kampana ng Balangiga. Dalawa dito ay nakadispley ngayon sa E.E.Warren Air Force Base sa Cheyenne. Bahagi ng memorial sa 48 Kano na napatay ng mga Pilipinong manghihimagsik. Nasa hedkwarter ng US Army regiment sa South Korea ang ikatlong kampana.
Inamin ng pahayagang Baltimore American, na ang kalupitan ng pananakop ng US sa Pilipinas ay higit kaysa sa ginawa dito ng Spain. Kalupitang nag-ubliga sa US Armed Forces na isalang sa 44 military trials sina Smith at Waller dahil sa war crimes. Nagresulta ito sa court martial convictions ni Smith sa mga sentensyang “lahat ay magaan,” ayon sa New York Journal, Mayo 5,1902.
Nagretiro si Smith matapos ang kampanya sa Pilipinas at namatay, Marso 1, 1918. Nakaabot naman sa rangong Major General sa US Marines si Waller. Nagretiro siya, Hunyo 1920 at namatay, 1926. Ibinigay sa kanya ang karangalang ipinangalan sa kanya ang destroyer na USS Waller nuong 1942.K
Mga sanggunian: Arnaldo Dumindin, Philippine-American War, 1899-1902; Kilusan Taon 6 Bilang 2, Hunyo 30, 2012.

Agosto 13, 1898: Huwad na labanang Amerkano-Espanyol sa Maynila Simula ng Pananakop ng Imperyalistang US sa Pilipinas

Upang makaiwas sa pagdanak ng dugo at mapanatili ang “dangal” sa di pagsuko sa mga Pilipino (Indio), ipinasya ng mga Espanyol sa Intramuros na aregluhin ang pagsuko sa mga Amerkano, Agosto 9, 1898. Napapaligiran na ng mga kawal Amerkano at Pilipino ang kanilang posisyon at imposible nang mabaliktad pa ang sitwasyon.
Namagitan si Belgian Consul Edouard Andre sa sikretong negosasyon nina US Gen. Wesley Merritt at Gov. Gen. Fermin Jaudenes ng Spain. Nabuo ang lihim na kasunduan.
Magkukunwang lalaban ang mga Espanyol, at kaagad na susuko sa napagkaisahang hudyat. Sa gayon, makakaiwas ang Espanya sa kahiya-hiyang pagkatalo nang hindi man lamang pumutok. Hindi kasali sa huwad na labanan ang mga Pilipino. Takot ang mga Espanyol na lipulin sila ng mga ito.
Namagitan ang tensyon sa mga Pilipino at Amerkano nang magbabala ang huli sa mga Pilipinong magtatangkang pumasok sa Intramuros isang araw bago ang labanan. Sa telegrama ni Brig.Gen. Thomas Anderson kay Aguinaldo: “Hindi pwedeng pumasok sa Maynila ang inyong mga kawal nang walang pahintulot ng komander na Amerkano; sa bahaging ito ng ilog Pasig, kayo ay papuputukan”.
Naganap ang kunwa-kunwariang labanan, Agosto 13, 1898. Pinaputukan ng mga Amerkano ang Fort San Antonio de Abad kasabay ng pagkubkob sa buong Intramuros. Manaka-naka ang sagutan ng putok. Sumuko ang mga Espanyol nang makapasok na sa Intramurus ang 600-700 pwersang Kano na nagsilbi rin nilang tagapagtanggol laban sa mga Pilipino.

Ekspansyon ng Kapangyarihan ng Imperyalistang US
Dinigma ng US ang Espanya upang agawin ang ilan pang bayan sa Latin Amerika at makumpleto ang kanyang imperyalistang dominasyon sa kontinente. Interesado rin ang US sa Pilipinas na kolonya ng Espanya para sa pag-abot sa Tsina.
Pumutok ang digmaan nang misteryosong pasabugin at lumubog ang USS Maine na kumitil sa buhay ng 266 tropang Amerkano sa Havana Harbor sa Cuba, Pebrero 15, 1898. Kahit walang ebidensya, ibinintang ng US ang pangyayari sa Espanya. Nagdeklara ng gera ang US, Abril 25, 1898.
Humantong ang digmaang ito sa sagupaang nabal ng dalawang kapangyarihan sa Manila Bay, Mayo 1, 1898. Walong (8) barko ng Espanya sa ilalim ni Spanish Admiral Patricio Montojo ang pinalubog ng US Asiatic Fleet na pinamumunuan ni Commodore George Dewey.
Kasunod niyon ay ang sunud-sunod nang pagdating sa Pilipinas ng pwersang Amerkano, na sa pahintulot ni Aguinaldo ay nagkuta sa arsenal ng Fort San Felipe sa Cavite. Pagsapit ng Agosto 9, umabot na sa 470 opisyal at 10,464 pwersang impanterya ng US ang nasa loob na ng bansa.
Nabuo ang ugnayan nina Aguinaldo at kinatawan ng US nang magkakilala sila nang magpatapon sa Hong Kong sina Aguinaldo sa bisa ng Pact of Biak na Bato, 1897. Isang kaugnayang Amerkanong Koronel ang lumagda’t sumaksi sa pagdideklara ng kalayaan ng Pilipinas sa Kawit nuong Hunyo 12, 1898.
Ganap na sumurender ang Espanya. Binuo ng dalawang bansa ang Peace Protocol sa Washington DC, Agosto 12, 1898, isang araw bago ang huwad na labanan sa Maynila . Iniatas ng panimulang kasunduang ito ang pagsasagawa ng negosasyon para sa komprehensibong kalutasan sa digmaan.
Pag-angkin sa Pilipinas
Nilagdaan ang Treaty of Paris of 1898 (Disyembre 10) na nagkabisa sa ratipikasyon ng dalawang bansa, Abril 11, 1899. Isinuko ng Espanya sa US ang kontrol sa Cuba. Ibinigay ang Puerto Rico, bahagi ng West Indies at Guam. Binayaran ng US ang Espanya ng $20M para sa kapangyarihan sa buong Pilipinas.
Sa patakaran ng “mapagpalang pagkupkop,” iniutos ni US Pres. William McKinley ang pagsakop sa Pilipinas.
Ipinahayag ni William Howard Taft, unang US Civil Governor ang kahulugan nito sa mamamayang Pilipino: “Hindi ako naparito para bigyan kayo ng kalayaan, kundi upang pag-aralan lamang ang inyong pakikidigma. Mapapasainyo ang kalayaan kapag handa na kayo, na hindi mangyayari sa kasalukuyang henerasyon at hindi rin sa susunod, o kahit pa makaraan ang 100 taon.”
Hindi kinilala ng imperyalistang US ang gubyerno ni Aguinaldo at ang Konstitusyon ng Malolos 1898. Pumutok ang Fil-American War, Pabrero 4, 1899. Pinaslang ng mga Amerkano ang 1M Pilipino bago nalupig ang bansa at naging neokolonya ng US sa Asya-Pasipiko.K

PEACE PROTOCOL, Aug. 12, 1898,  Washington, D.C. [August 13 sa Maynila]:  Jules Cambon, Amb. ng France at kumakatawan sa Espanya [nakaupo, kaliwa] at William R. Day, U.S. Sec. of State [nakaupo malapit sa gitna], nang lagdaan ang kasunduang nagsususpinde sa digmaan at naglilinaw sa mga usaping tatalakayin sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng US at Espanya.  Sumaksi si US Pres. William R. Mckinley [nakatayo, ikaapat mula sa kanan]

PEACE PROTOCOL, Aug. 12, 1898, Washington, D.C. [August 13 sa Maynila]: Jules Cambon, Amb. ng France at kumakatawan sa Espanya [nakaupo, kaliwa] at William R. Day, U.S. Sec. of State [nakaupo malapit sa gitna], nang lagdaan ang kasunduang nagsususpinde sa digmaan at naglilinaw sa mga usaping tatalakayin sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng US at Espanya. Sumaksi si US Pres. William R. Mckinley [nakatayo, ikaapat mula sa kanan]