Duterte Is Right to End the U.S.-Philippine Military Exercises

Walden Bello, a former Philippine congressman, is a visiting research fellow at the Center for Southeast Asian Studies at Kyoto University.

Though I have strongly criticized the methods of President Rodrigo Duterte’s war on drugs, I agree with his expressed intent of ending the United States-Philippine military exercises. And I hope he is not bluffing, as many suspect. Read more.

 

Advertisements

BANGKAY NG DIKTADOR SA LIBINGAN NG MGA BAYANI: Pagbaluktot ng Kasaysayan at Pagkakait sa Mamamayan ng Katarungan

marcos

Hindi retorika o bugso ng bunganga lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte na ireretoke ng kanyang tagapagsalita at abugado ang utos na ilibing sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) si Ferdinand Marcos, Sr.

Sukli ito ni Pangulong Duterte sa suporta ni Bongbong Marcos sa kanyang kandidatura at pagkapanalo bilang pangulo na ipinahayag sa media makaraang mag-usap sila ni Bongbong, Hunyo 10 sa Davao City.

Sa kanyang talastasan sa media sa Panacan, Davao City ng Agosto 7, isinapubliko ni Pangulong Duterte ang kanyang kautusang ilibing si Marcos sa LNMB.  Inilabas din sa parehong petsa ang memorandum ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nag-uutos kay AFP Chief of Staff, Gen. Ricardo Visaya na ipatupad ang berbal na utos ni Prody ukol dito nuong Hulyo 11, 2016.

Kaisa ang Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (Kilusan) sampu ng mga kasaping organisasyon nito, sa pagtutol ng libu-libong biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim ng diktadurang Marcos, ng kanilang mga kaanak at milyong mamamayan, sa desisyong ito ni Presidente Duterte.

Naninindigan kami na pagbaligtad ng kasaysayan ang paglibing kay Marcos sa LNMB.  Pagyurak ito sa pasya ng mamamayang Pilipino na pinagtibay sa 1986 EDSA People Power Revolution na nagpatalsik kay Marcos at lumansag sa kanyang diktadura.  Paglapastangan ito sa diwa ng EDSA People Power Revolution, at sa gayon ay pagkakait ng katarungan sa mamamayang Pilipino.

Kaisa kami sa pagtutol sa pagtrato ng Malakanyang sa usapin mula sa lantay na teknikalidad, nang walang pagsasa-alang alang sa diwa, batayan at layunin ng batas (RA 289), at ng mismong LNMB.

Nababahala kami sa nakaka-insultong pagtrato ni Pangulong Duterte sa mga nagpuprotesta o tumutunggali sa kanyang mga desisyon kahit pa sinasabi niyang malaya ang tumutol.  Insulto, sapagkat sa pagtatanggol niya at ng Malakanyang sa desisyong ilibing si Marcos sa LNMB, natatakpan o napapalabo ang mga krimen ni Marcos sa bayan at nababaligtad ang kasaysayan.

Nakapag-aalala na, sa pagbibigay ni Pangulong Duterte sa makitid na interes ni Bongbong Marcos,  hindi lamang napapaypayan ang mga tunggalian sa hanay ng mamamayan,  bagkus ay lalong napapatibay ang paghahari ng iilang oligarko (oligarch) tulad ni Marcos na nagnakaw ng yaman at pondo ng bayan.

Nakababahala na ang desisyon ni Duterte ay makapagpapalabnaw o magbabawas sa kabuluhan at bisa ng People Power; ng paghahabol ng bansa na mabawi ang yamang ninakaw ni Marcos, at ng mga batas gaya ng paglikha sa PCGG, at ng RA 10368 o Batas para sa Pagbabayad-pinsala at Pagkilala sa mga Biktima ng Paglabag sa mga Karapatang Pantao sa ilalim ng Rehimeng Marcos, at iba pa. Lalong nakababahala na, nasundan ang anunsyo ni Pangulong Duterte hinggil sa paglibing kay Marcos sa LNMB, ng pagbabanta o “pagbibiro” ng pagdeklara ng Martial Law.

Nababahala din kami sa mensaheng idudulot ng desisyong ito ni Pangulong Duterte sa kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan o mga millennial, na hindi nagkaroon ng pagkakataong pag-aaralan ang mga kaganapan sa hindi pa malayong nagdaang kasaysayan.

Sa gayon, nananawagan kami, laluna sa mga kabataan, na magbalik-tanaw sa kasaysayan upang mapatibay pag-unawa at pasya sa maselang usaping ito na 25 taon nang humahati sa bayan sa kabila ng 14 na taon ng paghahari ng kalupitan at pandarambong.

Nakiki-isa kami sa panawagang, ilibing ang bangkay ni Marcos, sa kanyang tinubuang bayan sa Ilocos Norte, sa tabi ng puntod ng kanyang ina, ayon na rin sa kanyang kahilingan bago nalagutan ng hininga (death wish), na sinabi sa yumao na rin na dating Pangalawang Pangulo Salvador “Doy” Laurel.

Sa harap nito, mahigpit naming hinihiling na muling isaalang-alang at bawiin ni Pangulong Duterte ang desisyon at utos na paglilibig kay F. Marcos, Sr. sa LNMB.

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (Kilusan) Agosto 14, 2016

A wave of summary executions following the Philippine election

By Dante Pastrana
2 June 2016

Philippine President-elect Rodrigo Duterte, the head of death squads in Davao City in the Southern Philippines where he has been the long-time mayor, vowed during his campaign to kill and dump over a hundred thousand alleged criminals in Manila Bay within six months of his election. Less than a month before his presidential inauguration, police and vigilantes have already launched a murderous campaign against alleged criminals throughout the country.

Duterte announced on May 31 that he would be paying bounties for every person killed who was alleged to be in the drug trade. He also announced the value which he would assign to every human life taken, promising up to 3 million pesos ($US64,000) for every “drug lord,” 2 million for those deemed to be in charge of distribution, 1 million for “syndicate members,” and 50,000 for “ordinary” drug peddlers.

Panahon ng Hapon Tatlong taon ng paghahari ng imperyalistang Hapon sa Pilipinas matapos salakayin ang Pearl Harbor, Disyembre 8, 1942

Hindi nalutas ng unang digmaang imperyalista (1914-1918) ang agawan sa mga kolonya sa daigdig. Pumutok ang great depression kasunod nito (1930s) na nagsimula sa US at kumalat sa iba pang bahagi ng mundo. Nangyaring muli ang paghahati ng daigdig para lutasin ang pagkipot ng pamilihan ng kanya-kanyang ekonomya.
Naganap ang ikalawang digmaang imperyalista o World War 2 (1939-1945). Sa Asia, sinagasaan ng Japan ang open door policy ng US sa China. Naagaw sa US ang Pilipinas at ang Trust Territories nito sa Pacific– ang Marianas, Guam at Saipan. Inagaw sa France ang Indochina (Vietnam, Cambodia at Laos), sa Britain — ang Malaysia, Singapore at Burma. Naagaw rin sa Netherlands ang Indonesia.
Pinagbubomba ng Japan ang US bases sa Pearl Harbor, Hawaii (Disyembre 7, 1941), mga estasyong militar ng US sa Pilipinas: Clark Air Base sa Pampanga at Iba AirField, Del Carmen AirField sa Mindanao, at port area sa Manila (Disyembre 8, 1941), Nichols sa Pasay, Sangley Point sa Cavite, Subic Base sa Olongapo at Clark uli (Disyembre 9, 10 at 12), at airfields sa Marikina.
Bago ito, naitatag na ng US ang US Armed Forces in the Far East (USAFFE), Hulyo 1941. Pinag-aktibong muli si Gen. Douglas MacArthur para pamunuan ito at ang depensa ng mga pwersang US at Pilipino. Empleyado na ng Commonwealth si MacArthur, nagretiro sa US military, 1937, bilang Amerkanong superbisor sa pagtatayo ng Philippine Army sa bisa ng National Defense Act of 1935.
Umatras ang USAFFE sa Bataan nang mabigong hadlangan ang pag-abante ng mga Hapones; sa Corregidor naman lumikas si MacArthur, ang asawa’t anak at mga tauhan ng kanyang headquarters. Lumipad patungong Australia si MacArthur sa utos ng presidente ng US para mamuno sa Southwest Pacific Area Command. Ipinuslit papuntang US sina Commonwealth Pres. Manuel L. Quezon at Vice Pres. Sergio Osmena. Nangako si MacArthur na babalik sa Pilipinas (“I shall return”). Namatay sa US na si Quezon dahil sa tuberkulosis.
Isinuko ni Gen. Jonathan Wainwright—ang komander na pumalit kay McArthur, ang Corregidor sa mga Hapon na humantong sa bantog na Death March mula Bataan hanggang Capas, Tarlac.

panahon ng hapon
Dahil sensitibong usapin sa mga Pilipino ang kalayaan, inorganisa ng mananakop ang Preparatory Commission for Philippine Independence, Hunyo 18, 1943. Binuo ito nina Jose Laurel, Benigno S. Aquino, Sr. at Ramon Avanceña. Itinatag ang National Assembly (NA) sa bisa ng Konstitusyong “niratipikahan” ng “popular” na convention. Inihalal nitong presidente si Laurel. Idineklara ang “kasarinlan” at pinasinayaan ang “Republika ng Pilipinas” Oktubre 14, 1943.
Nabuo ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) na nakatuntong sa malawak na kilusang magbubukid sa Gitnang Luzon, Laguna at Quezon. Itinatag ang Hukbalahap sa Sityo Bawit, San Lorenzo, Cabiao, Nueva Ecija sa palispisan ng Bundok Arayat Marso 29, 1942. Malaganap ding naorganisa ang mga pwersang gerilyang nakaugnay sa USAFFE. Malalaking tipak ng mga bayan ang napalaya na ng mamamayan bago pa ang pagbalik ng Kano at pagsuko ng Japan.
Mas malawak kaysa sa ginawa ng Hapon ang pinsala sa buhay, kabuhayan at ari-arian ng mamamayan nang bombahin ng US Air Force ang Maynila, Cavite at iba pang lugar sa Visayas (Setyembre 21, 1944) hanggang sa mag-landing sila sa Palo, Leyte (Oktubre 20, 1944). Halos wala nang nakatindig na istruktura sa Maynila nang “mapalaya” ito Pebrero 1945 . Sa desperasyon, minasaker ng mga sundalong Hapon ang libu-libong mamamayan, laluna sa Maynila. Nasawi ang mahigit isang milyong Pilipino sa buong bansa sa digmaang nagsangkot sa bansa dahil sa tuwirang interes dito ng US.
Sumurender ang Japan Setyembre 2, 1945 makaraang bagsakan ng US ng atomic bombs ang Hiroshima at Nagasaki (Agosto 6 at 9) kung saan daan-daang libong sibilyan ang namatay. Nangibabaw na imperyalistang kapangyarihan sa daigdig ang US, bago pa nagwakas ang digmaan. Napinsala ang Britain at Soviet Union. Wasak ang Japan, Germany, Italy, France, at buong Europe.
May inilitaw na kabilang mukha ang digmaan. Lumaya ang mamamayan ng Eastern Europe laban sa mananakop sa kanilang mga bansa. Nakapagpalakas ang mga kilusang anti-kolonyal o para sa pambansang pagpapalaya. Lumaya ang Vietnam (1945) bago makabalik ang mananakop na French, ang China (1949), at Korea (1950), bago salakayin at hatiin ng US sa North at South. Lumaya ang Indonesia (1949), sa matagumpay na paglaban sa tangka ng Netherlands na ibalik ang dominasyon dito.
Samantala’y inorganisa ng US ang gubyerno sa Pilipinas. Nanalo sa halalan (Abril 23, 1946) si Manuel Roxas na huling presidente ng Commonwealth at unang presidente ng neokolonyal na Republika ng Pilipinas. Itinali ng US ang Pilipinas sa mga kasunduan sa ekonomya, pulitika, militar at kultura. Pinapasan din ng US sa bagong gubyerno ang pagbabayad sa lahat ng pananagutan at pagkakautang nito sa panahon ng pangangasiwa sa kapuluan. Ito ang unang utang panloob at panlabas ng Pilipinas.K

Pebrero 3-Marso 3, 1945: Battle of Manila

Pinakamalupit na urban figthing ang Laban ng Maynila (Battle of Manila) sa kampanya ng US na bawiin ang mga kolonyang inagaw ng Japan sa Pasipiko, Pebrero 3-Marso 3, 1945.
Itinuturing na susi ang pagbawi ng Maynila sa paggapi ni Gen Douglas MacArthur sa sandatahang pwersa ng imperyalistang Japan (1942-1945). Naging hudyat din ito ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kumbinasyon ng desperadong hakbang ng mga Hapones at panganganyon at aerial bombardment ng mga Amerkano, 100,000 Pilipino ang namatay at daang libo ang sugatan. Napatay ang 1,010 na sundalong Kano at 16,665 ang napaslang na Hapones sa Intramuros pa lamang. Maihahambing ang pinsala at bilang ng namatay sa tindi ng epekto ng pagsabog ng atomic bomb sa Hiroshima, Agosto 6, 1945.
Ipinagkaluob ng US ang “kasarinlan” sa Pilipinas na sinakop nito nuon pang 1899 sa pagtatapos ng World War II. Tapos na ang bisa ng Tydings-McDuffie Law na nagbigay ng 10-taong palugit para sanayin ang mga lokal na pulitiko na mamahala sa kolonya. Idinaos ang pambansang halalan, Abril 23, 1946 at nanalo si Manuel Roxas bilang huling pangulo ng Commonwealth at unang pangulo ng Ikatlong Republika.

battle of manila bay1
Sa gitna ng pinsalang tinamo, iginapos ng US ang Pilipinas sa mga kasunduang tumitiyak na mananatili ito bilang neokolonya. Ginamit ng US ang pangakong $620M pondo sa reparasyon o bayad pinsala sa digmaan na itinadhana ng Philippine Rehabilitation Act of 1946 mula sa US Congress upang paluhurin at maseguro ang paglagda ng Pilipinas sa mga kasunduang ito.

battle of manila bay2
Nangunguna sa mga ito ang US-RP Treaty on General Relations (Hulyo 4, 1946). Gayung binibitiwan na ng US ang lahat ng kapangyarihan at karapatan sa pag-aari, pangangasiwa, hurisdiksyon at kontrol sa teritoryo at mamamayan ng Pilipinas, pinanatili ng tratado ang kapangyarihan at karapatan nito sa kanyang mga base militar, lupaing kailangan sa pagmantini nito at mga karapatan sa loob ng mga ito.
Binigyan din ng tratado ng kapangyarihan ang US na katawanin ang bansa sa mga bayang wala pang embahada ang Pilipinas. Ipinaako sa Republika ng Pilipinas ang lahat ng balanse ng utang at bayarin ng Philippine Islands na pinagpasyahan ng US Congress bago ang Mayo 1, 1934. Ipinapasan sa gubyernong Pilipino ang lahat ng natitirang obligasyon ng US sa Spain na nilaman ng Tratado ng Paris.
Kasabay na ipinatupad ang Bell Trade Act na isinabatas ng US Congress, 1945 (inaprubahan ng Kongreso ng Pilipinas, Hulyo 2, 1946). Ipagpapatuloy nito ang “malayang kalakalan” sa pagitan ng US at Pilipinas hanggang 1954 at mula rito ay ang pagpapataw ng papataas na taripa na 5% bawat taon hanggang abutin ang 100% sa taong 1974.
Pinakakontrobersyal na probisyon ng Bell Trade Act ang “parity clause,” na nagbibigay kapwa sa mga Pilipino at Amerkano ng pantay na karapatan sa ekonomya, kabilang ang paglinang sa likas na yaman at mineral. Nagbanta ang US na, maliban sa walang maaasahang bayad pinsala sa gera ang Pilipinas, maaaring ipawalang-bisa ng presidente ng US ang alinmang bahagi ng mga kasunduang pangkalakalan ng US sa bansa kung hindi titiyakin ang karapatang ito (International Business Publications;US Library of Congress; Countrystudies.us/philippines).
Nagkumahog ang gubyernong Roxas at ang Kongreso ng Pilipinas para sundin ang utos na ito. Dominado ng mga panginoong maylupa at komprador ang Kongreso. Sila ang nakikinabang sa pakikipagkalakan sa US. Hawak nila ang quota at kontrata sa eksport dito ng asukal, kopra, abaka, atbp.
Dahil taliwas sa Konstitusyong 1935, pinagpasyahan ng Kongreso ang pagsalaksak ng susog parity sa saligang batas, Setyembre 18, 1946. Hindi nila pinayagang bumoto sa deliberasyon ang anim na kinatawan ng Democratic Alliance at tatlo mula sa Nacionalista Party na pinakamatitibay na oposisyon sa pag-amyenda sa konstitusyon. Naipinal ito ng pambansang plebisito, Marso 11, 1947.K

Disyembre 6, 1956: Pagsasauli sa Pilipinas ng Lahat ng karapatan at Title Claims ng US sa mga Lupaing Saklaw ng US Bases

Pormal na ipinagkaloob ng US sa pamahalaang Pilipino sa seremonya sa Malacanang ang lahat ng karapatan at title claims sa 199,570 ektaryang lupang saklaw ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Pagtupad ito sa komitment ng US sa magkasamang pahayag nina President Ramon Magsaysay at ni US Vice President Richard Nixon ukol ditto, Hulyo 3, 1956.
Humantong sa seremonyang ito ang mainit na debateng legal sa pagitan nina US Attorney General Herbert Brownell, Jr at ng pinuno ng Phil. Senate Committee on National Defense and Security na si Claro M. Recto. Batikang abugado at matagal na nagsilbi sa kolonyal na gubyerno si Recto, kabilang ang pagkapresidente ng Philippine Constitutional Convention sa ilalim ng Tydings-McDuffie Law.

Senator Claro M. Recto

Senator Claro M. Recto

Pumutok ang legal na debate nang malathala ang isang bahagi ng opinyon ni Brownell sa The Manila Chronicle, Marso 17, 1954, tatlong araw makaraan ang ikapitong anibersaryo ng Military Bases Agreement (MBA): may mga titulo ang US sa mga base militar. Ito ang tutuntungan sa bagong pakikipagnegosasyon ng US sa Pilipinas. Gustong palawakin pa ng US ang operasyon at saklaw ng mga base militar. Umiigting ang cold war—ang pulitikal, ekonomiko at diplomatikong labanan ng US at ng Russia — at nais ampatin ng US ang paglaganap ng mga progresibong kilusan sa Asia.
Pinanatili ng MBA ang ilan sa pinakamalalaking base militar ng US, habang nasa 30 ang isinara o ibinigay sa gubyernong Pilipino. Itinindig ang mga ito sa panahon ng tuwirang pananakop ng US, 1899-1945.
Iginiit ni Brownell na sa pagkakaloob ng US ng kalayaan sa Pilipinas, nanatili ang pagmamay-ari ng US sa lupang saklaw ng mga base militar. May Torrens Certificates of Title ang mga ito na iginawad ng US Presidential Executive Orders.
Sinikap patunayan ni Brownell na sa lahat ng legal na instrumento mula sa Tydings-McDuffie Law hanggang MBA, walang pagsasalin ng karapatan sa Pilipinas sa ari-ariang sangkot ang mga base, at ang kasunduan ukol dito ay gagawin pa sa hinaharap. At dahil wala pa ang mga kasunduan para dito, mananatiling pag-aari ng US ang mga lupa kahit pa nailipat na ang soberanya ukol dito sa Pilipinas.
Pinulbos ni Recto ang mga argumento ni Brownell. Ginamit din ng senador ang mga dokumentong pinagsanggunian ng US attorney general. Binalikan ni Recto ang kasaysayan:
Sa proklamasyon ni US President Harry Truman sa kalayaan ng Pilipinas, Hulyo 4, 1946, binitiwan ng US ang karapatan at kapangyarihan sa Pilipinas, “maliban sa ilang reserbasyon na naruon at gagawin pa.” Matapos iyon, nilagdaan ng dalawang bansa ang Treaty of General Relations. Isinurender ng US sa Artikulo I nito ang “lahat ng posesyon, superbisyon, hurisdiksyon, kontrol at soberanya na taglay at ginagampanan ng US sa teritoryo at mamamayan,” ng Pilipinas, “maliban sa paggamit ng mga base, mga dagdag na kasangkapan sa mga baseng ito, at mga karapatang kaakibat nito, na naaayon sa kasunduan ng US at Pilipinas…..”
Inilinaw din sa preambulo ng MBA, na, “sa pagganap sa karapatan at soberanya, binibigyan ng Pilipinas ang United States of America, ng karapatang gamitin nang walang bayad, ang mga tiyak na lupang publiko, para sa pagtataguyod ng mutwal na interes ng dalawang bansa.”  Idiniin ni Recto ang salitang paggamit (use) na siyang laman ng mga kasunduan. Isinuko na ng US ang kapangyarihan nito sa Pilipinas, at kakabit dito ang kapangyarihan sa lupa. Sinabi niya bilang pangwakas. na, “ hindi pwedeng ipahiram ng Pilipinas ang mga base militar kung hindi siya ang may-ari ng mga ito.”
Matapos mapagkumbinsing linawin ang karapat-dapat na kapangyarihan ng Pilipinas sa mga base militar, binatikos ni Recto sa kasunod na mga pahayag ang di-pantay na relasyon ng US at Pilipinas. Nanawagan siya para sa malayang patakarang panlabas, hindi patakarang palasunod sa dikta ng US. Idiniin niyang hindi tunay na makakaimpluwensya ang Pilipinas sa Asia, “hanggang ang tingin sa kanya ng Asia ay papet ng Amerika, na ang tanging mga patakaran ay ang mga patakaran ng United States.”
Masakit na katotohanan itong paulit-ulit na sumusugat sa kamalayan ng mamamayan; mula sa mga Pilipinong pinagkamalang babuyramo at pinatay ng sundalong Kano sa loob ng mga dating base militar; hanggang sa mga Pilipinang ginahasa at pinaslang, mahigit dalawang dekada matapos isara ang mga dayuhang base militar, at ang mga salarin ay hindi naparusahan.
Ibinasura ng Philippine Senate ang MBA, 1991, sa gitna ng malakas na kilusang anti-base militar sa panahon ni Pres. Cory Aquino. Ngayo’y nakalukob muli sa bayan ang mga bagong kasunduang militar sa US—ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), upang muling magbase sa bansa ang mga tropang Kano kahit ibinabawal ito ng Konstitusyong 1987.
Itinatali ng ganitong mga kasunduan ang Pilipinas sa hindi nalalagot na neokolonyal na relasyon sa US, na itinaguyod ng mga lokal na pulitiko at mga elite upang pangasiwaan ang tanging neokolonya ng US sa Asya-Pasipiko.K
Sanggunian: American Military Bases in the Philippines: The Brownell Opinion. Roberto Paterno; Philippine Studies vol. 12, no. 3 (1964), Ateneo de Manila University; Journal of American Chamber of Commerce of the Philippines, Volume 33, No 1, Enero 1957- sinipi ng Kahimyang Project, Disyembre 2012;

Setyembre 28, 1901: Engkwentro sa Balangiga Sunugin ang Samar!

Libu-libo ang minasaker, daan-daang bahay ang sinunog ng mga sundalong Amerkano sa kanilang kampanya ng paglipol sa mamamayan ng Samar, Oktubre 1901- Enero 1902.

Dumating sa Balangiga, Isla ng Samar, ang Company C ng 9th US Infantry Regiment, Agosto 11, 1901. Bahagi ng umiigting na pananakop ng US sa Pilipinas.
Maayos sa simula ang kanilang relasyon sa mamamayan ng Balangiga. Nagsimula ang tensyon nang bastusin ng dalawang lasing na sundalong Amerkano ang babaing nakabantay sa tindahan ng tuba, Setyembre 22. Dahilan upang bugbugin sila ng mga lalaking kapatid nito.

samar
Dahil sa gulping inabot ng dalawa, inaresto ng mga Amerkano ang 143 kalalakihan. Siksikan silang idinitine sa mga tents . Hindi sila pinakain. Pwersahang pinaglinis sa plasa. Hinalughog ang kanilang mga bahay. Sinamsam ang lahat ng matalas gaya ng gulok, karet at itak. Kinumpiska ang kanilang bigas. Sinira ang mga kamalig.
Dahil sa naranasang pagkaapi, nagplano ng pagsalakay sa kampo ng mga Kano ang mga residente. Pinamunuan ito ni Valeriano Abanador ─ lokal na hepe ng pulis. Katuwang niya ang mga lider gerilya na sina Capt. Eugenio Daza at Sgt. Pedro Duran Sr., kapwa nasa ilalim ng pamumuno ni Gen. Vicente Lucban. Kasama rin ang lider ng kababaihan na si Casiana Nacionales.
Ginamit nila ang novena at prusisyon upang makaposisyon. Nagdamit pambabae ang ilan sa kalalakihan. Madaling-araw ng Setyembre 28, lihim nilang pinalikas muna ang mga babae at bata. At, sa senyal ng kampana, umalingawngaw ang, “atake, mga Balangigan-on!”
Pitong pangkat na binubuo ng 500 katao ang sumalakay. Mula sa halos lahat ng pamilya sa Balangiga na nuon ay saklaw ang mga bayan ngayon ng Lawaan, Giporlos at Quinapundan.
Umagos ang dugo ng mga mananakop. Humagis kabi-kabila ang mga katawang nahagip ng tingga at gulok. Hindi magkamayaw ang sigaw. Malaking engkwentro ito. Bunsod ng kagustuhang lumaya ng mga Samareño na aktibo na ring lumahok sa rebolusyon laban sa mga Espanyol.
Sa 74 na sundalong Amerkano, 48 ang namatay, 26 ang nakaligtas,at 22 ang malubhang nasugatan. Kinumpiska ng mga gerilya ang 100 riple at 25,000 bala. Subalit nakabawi ng inisyatiba ang mga sundalong Amerkano. Naagaw nilang muli ang munisipyo at makapagsustini ng putok. Resulta — 28 ang kanilang napatay at 22 pa ang nasugatan sa mga Pilipino.
Galit na sumumpa si Maj. Gen. Adna R. Chaffee, US military governor ng “unpacified” na mga lugar sa Pilipinas. Ipaiilalim niya sa “batas ng bayoneta” ang mga Pilipino. Pagsunod ito sa utos ni US Pres. Theodore Roosevelt na ilunsad ang “pinakamabangis na pagpayapa sa Samar!”
Itinalaga ni Chaffee si Brig. Gen Jacob “Howlin Jake” Smith sa Samar na nag-utos sa kanyang mga tauhan na “gawing umuungol na ilang (wilderness)” ang Samar. Ipinagsigawan niyang “hindi ko kailangan ng mga bihag!” at “gusto kong pumatay at manunog kayo; mas marami, mas masisiyahan ako!” Pinapatay niya ang lahat ng 10 taong gulang pataas at may kakayahang mag-armas.
Ipinagmalaki sa report ni Major Littleton Waller, isa sa mga opisyal ni Smith, na nakapanunog na ng 255 bahay, kumatay ng 13 kalabaw at pumatay ng 39 katao sa 11 araw na tuluy-tuloy na kampanya ang kanyang yunit. Nagreport din ng katulad na aktibidad ang iba pang opisyal.
Walang saktong bilang ng mga Pilipinong minasaker ng mga Amerkano sa Samar. Hindi lalayo ito sa 2,500 ayon sa taya ng ilang dayuhang manunulat. Para sa mga istoryador na Pilipino, aabot ito ng 50,000.
Kinumpiska ng mga Amerkano ang tatlong kampana ng Balangiga. Dalawa dito ay nakadispley ngayon sa E.E.Warren Air Force Base sa Cheyenne. Bahagi ng memorial sa 48 Kano na napatay ng mga Pilipinong manghihimagsik. Nasa hedkwarter ng US Army regiment sa South Korea ang ikatlong kampana.
Inamin ng pahayagang Baltimore American, na ang kalupitan ng pananakop ng US sa Pilipinas ay higit kaysa sa ginawa dito ng Spain. Kalupitang nag-ubliga sa US Armed Forces na isalang sa 44 military trials sina Smith at Waller dahil sa war crimes. Nagresulta ito sa court martial convictions ni Smith sa mga sentensyang “lahat ay magaan,” ayon sa New York Journal, Mayo 5,1902.
Nagretiro si Smith matapos ang kampanya sa Pilipinas at namatay, Marso 1, 1918. Nakaabot naman sa rangong Major General sa US Marines si Waller. Nagretiro siya, Hunyo 1920 at namatay, 1926. Ibinigay sa kanya ang karangalang ipinangalan sa kanya ang destroyer na USS Waller nuong 1942.K
Mga sanggunian: Arnaldo Dumindin, Philippine-American War, 1899-1902; Kilusan Taon 6 Bilang 2, Hunyo 30, 2012.

Agosto 13, 1898: Huwad na labanang Amerkano-Espanyol sa Maynila Simula ng Pananakop ng Imperyalistang US sa Pilipinas

Upang makaiwas sa pagdanak ng dugo at mapanatili ang “dangal” sa di pagsuko sa mga Pilipino (Indio), ipinasya ng mga Espanyol sa Intramuros na aregluhin ang pagsuko sa mga Amerkano, Agosto 9, 1898. Napapaligiran na ng mga kawal Amerkano at Pilipino ang kanilang posisyon at imposible nang mabaliktad pa ang sitwasyon.
Namagitan si Belgian Consul Edouard Andre sa sikretong negosasyon nina US Gen. Wesley Merritt at Gov. Gen. Fermin Jaudenes ng Spain. Nabuo ang lihim na kasunduan.
Magkukunwang lalaban ang mga Espanyol, at kaagad na susuko sa napagkaisahang hudyat. Sa gayon, makakaiwas ang Espanya sa kahiya-hiyang pagkatalo nang hindi man lamang pumutok. Hindi kasali sa huwad na labanan ang mga Pilipino. Takot ang mga Espanyol na lipulin sila ng mga ito.
Namagitan ang tensyon sa mga Pilipino at Amerkano nang magbabala ang huli sa mga Pilipinong magtatangkang pumasok sa Intramuros isang araw bago ang labanan. Sa telegrama ni Brig.Gen. Thomas Anderson kay Aguinaldo: “Hindi pwedeng pumasok sa Maynila ang inyong mga kawal nang walang pahintulot ng komander na Amerkano; sa bahaging ito ng ilog Pasig, kayo ay papuputukan”.
Naganap ang kunwa-kunwariang labanan, Agosto 13, 1898. Pinaputukan ng mga Amerkano ang Fort San Antonio de Abad kasabay ng pagkubkob sa buong Intramuros. Manaka-naka ang sagutan ng putok. Sumuko ang mga Espanyol nang makapasok na sa Intramurus ang 600-700 pwersang Kano na nagsilbi rin nilang tagapagtanggol laban sa mga Pilipino.

Ekspansyon ng Kapangyarihan ng Imperyalistang US
Dinigma ng US ang Espanya upang agawin ang ilan pang bayan sa Latin Amerika at makumpleto ang kanyang imperyalistang dominasyon sa kontinente. Interesado rin ang US sa Pilipinas na kolonya ng Espanya para sa pag-abot sa Tsina.
Pumutok ang digmaan nang misteryosong pasabugin at lumubog ang USS Maine na kumitil sa buhay ng 266 tropang Amerkano sa Havana Harbor sa Cuba, Pebrero 15, 1898. Kahit walang ebidensya, ibinintang ng US ang pangyayari sa Espanya. Nagdeklara ng gera ang US, Abril 25, 1898.
Humantong ang digmaang ito sa sagupaang nabal ng dalawang kapangyarihan sa Manila Bay, Mayo 1, 1898. Walong (8) barko ng Espanya sa ilalim ni Spanish Admiral Patricio Montojo ang pinalubog ng US Asiatic Fleet na pinamumunuan ni Commodore George Dewey.
Kasunod niyon ay ang sunud-sunod nang pagdating sa Pilipinas ng pwersang Amerkano, na sa pahintulot ni Aguinaldo ay nagkuta sa arsenal ng Fort San Felipe sa Cavite. Pagsapit ng Agosto 9, umabot na sa 470 opisyal at 10,464 pwersang impanterya ng US ang nasa loob na ng bansa.
Nabuo ang ugnayan nina Aguinaldo at kinatawan ng US nang magkakilala sila nang magpatapon sa Hong Kong sina Aguinaldo sa bisa ng Pact of Biak na Bato, 1897. Isang kaugnayang Amerkanong Koronel ang lumagda’t sumaksi sa pagdideklara ng kalayaan ng Pilipinas sa Kawit nuong Hunyo 12, 1898.
Ganap na sumurender ang Espanya. Binuo ng dalawang bansa ang Peace Protocol sa Washington DC, Agosto 12, 1898, isang araw bago ang huwad na labanan sa Maynila . Iniatas ng panimulang kasunduang ito ang pagsasagawa ng negosasyon para sa komprehensibong kalutasan sa digmaan.
Pag-angkin sa Pilipinas
Nilagdaan ang Treaty of Paris of 1898 (Disyembre 10) na nagkabisa sa ratipikasyon ng dalawang bansa, Abril 11, 1899. Isinuko ng Espanya sa US ang kontrol sa Cuba. Ibinigay ang Puerto Rico, bahagi ng West Indies at Guam. Binayaran ng US ang Espanya ng $20M para sa kapangyarihan sa buong Pilipinas.
Sa patakaran ng “mapagpalang pagkupkop,” iniutos ni US Pres. William McKinley ang pagsakop sa Pilipinas.
Ipinahayag ni William Howard Taft, unang US Civil Governor ang kahulugan nito sa mamamayang Pilipino: “Hindi ako naparito para bigyan kayo ng kalayaan, kundi upang pag-aralan lamang ang inyong pakikidigma. Mapapasainyo ang kalayaan kapag handa na kayo, na hindi mangyayari sa kasalukuyang henerasyon at hindi rin sa susunod, o kahit pa makaraan ang 100 taon.”
Hindi kinilala ng imperyalistang US ang gubyerno ni Aguinaldo at ang Konstitusyon ng Malolos 1898. Pumutok ang Fil-American War, Pabrero 4, 1899. Pinaslang ng mga Amerkano ang 1M Pilipino bago nalupig ang bansa at naging neokolonya ng US sa Asya-Pasipiko.K

PEACE PROTOCOL, Aug. 12, 1898,  Washington, D.C. [August 13 sa Maynila]:  Jules Cambon, Amb. ng France at kumakatawan sa Espanya [nakaupo, kaliwa] at William R. Day, U.S. Sec. of State [nakaupo malapit sa gitna], nang lagdaan ang kasunduang nagsususpinde sa digmaan at naglilinaw sa mga usaping tatalakayin sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng US at Espanya.  Sumaksi si US Pres. William R. Mckinley [nakatayo, ikaapat mula sa kanan]

PEACE PROTOCOL, Aug. 12, 1898, Washington, D.C. [August 13 sa Maynila]: Jules Cambon, Amb. ng France at kumakatawan sa Espanya [nakaupo, kaliwa] at William R. Day, U.S. Sec. of State [nakaupo malapit sa gitna], nang lagdaan ang kasunduang nagsususpinde sa digmaan at naglilinaw sa mga usaping tatalakayin sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng US at Espanya. Sumaksi si US Pres. William R. Mckinley [nakatayo, ikaapat mula sa kanan]