Matatag, Sapat na Trabaho Bayang Progresibo: Mamamayan ang Nagpapasya

mggw

Sa halip na malayang bayan, ipinwersa ng lokal na naghaharing uri at ng kanilang dayuhang amo ang kaayusang neokolonyal sa mamamayan makaraan ang apat na dekada ng tuwirang pananakop ng US. Itinali ang Pilipinas sa utang at mga kondisyon.  Hinadlangan ang pagyabong ng nagsasariling ekonomya at iginapos ito sa walang habas na pandarambong.  Gaya ng kundisyong pinagsibulan ng rebolusyon, nanatili’t higit na lumawak ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.Nakalatay sa pambansang ekonomya ang kabiguan ng Rebolusyong 1896. Bigo na ito nang paslangin si Gat. Andres Bonifacio bago bumagsak ang kolonyalistang Espanyol, nawaldas pa nang husto nang ipinagkanulo ito at isuko ng mga elitistang lider ng himagsikan sa imperyalistang Amerkano.

Sa ilalim ng neokolonyalismo, napabilang ang Pilipinas sa mga atrasadong ekonomya sa daigdig.  Makikita ito hanggang ngayon, sa katayuan ng kanyang lakas paggawa— ng mga manggagawang pinagmulan din ng bayaning si Andres:

  • Anim sa bawat sampung Pilipino ay nasa hanapbuhay na impormal at walang tiyak na trabaho o kita—mala-manggagawa at impormal na serbisyo mula sa pagpapandar ng pedikab, vendor ng kung-anu-ano at kung saan-saan, manggagawa sa kontsruksyon, manggagawang bukid at mga indibidwal na diskarte, at iba pa.
  • Katambal nilang bumubuhay sa ekonomya ang 2.4 milyong OFWs, mga kontraktwal na obrero at iilang porsyentong regular na mangagagawa at propesyunal.

contractualization

  • Sasanib sa kanila ang .5 milyong  gradweyt ng kolehiyo at 1.5 milyong sinanay sa mga institusyong teknikal kabilang ang pinatatakbo ng gubyerno gaya ng Tesda nuong 2015. Malaking bahagi sa kanila ang napabilang sa karaniwang 10 milyong walang trabaho taun-taon.
  • 3 % ng 100 milyong Pilipino ang nasa ilalim ng poverty line, kapos kahit sa pagkain.

Ang malungkot,  kailangan pang igiit ang pagwawakas ng kondisyong ito sa gubyernong Duterte.  Sa kanyang mga pahayag at sa aktwal na itinataguyod nitong 10 point economic program, magpapatuloy ang patakarang neoliberal.  Isasagad ito sa planong chacha ng kongreso kasabay ng proyekto sa pederalismo. Itutulak sa gitna ng paglabag sa karapatang pantao bunsod ng gyera sa droga.

Itatambal ito sa pag-oorganisa ng Masa Masid—ang pangmasang organisasyong paniktik na nanganganib na lumikha ng hidwaan sa mga komunidad.

Nangyayari ang lahat ng ito habang may banta sa suspensyon ng writ of habeas corpus at binabaklas sa kasaysayan ang kalupitan ng neokolonyal na sistemang higit na pinabangis ng diktadurang Marcos nang ipasya ni Duterte, sa pagsang-ayon ng Korte Suprema, na ilibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Neoliberalismo ang patakaran ngayon ng pandaigdigang kapitalismo para makaahon sa kumunoy ng nagpapatuloy nitong krisis at patuloy na dambungin ang yaman ng mahihinang bayan.  Tinatanggal ng patakarang neoliberal ang papel ng gubyerno sa serbisyong publiko at iba pang estratehikong negosyo at ipinapaubaya ito sa mga pribadong bangko at korporasyon para pagtubuan.

Mahalagang sangkap na pinaiiral nito ang kontraktwalisasyon ng paggawa at pagbabawal sa pag-oorganisa at pagkilos para bigyan ng ganap na kalayaan ang kapital na idikta at baratin ang sahod at benipisyo ng manggagawa.

Lantad ito sa nakalipas na ilang dekada ng pagpapairal ng neoliberalismo sa Pilipinas.  Sa panahon ni Pres. Noynoy Aquino, kinontrol ng 40 pamilya ang pakinabang sa lokal na ekonomya.

Malaon nang ipinakita ng mga abanteng bayan, kabilang ang mga kapitbayang Asean, na upang maging progresibo ang ekonomiya, kailangang  kumawala sa dayuhang kontrol at mga dikta.  Dapat pagpasyahan ang sariling landas ng ekonomya ayon sa pagpapairal ng soberanya ng mamamayan sa sariling yamang likas at lakas paggawa.

Malaon nang kinilala ang halaga ng kumbinasyon ng modernong agrikultura at industriyalisasyon para sumulong, likhain ang kasapatan sa pagkain at iba pang pangangailangan ng lipunan.  Ito ang pinakamatatag na pundasyon sa paglikha ng sapat at marangal na hanapbuhay para sa mamamayan.

Sa malayang ekonomya, malilikha ang pambansang kapital na dating hinuhuthot at inililipad ng dayuhan.  Magagamit ito sa pag-aangat ng industriya at agrikultura.  Mapaplano ang pagmimina ng estratehikong mineral batay sa pangangailangan ng lipunan. Maiaangat ang sahod ng paggawa.  Mababawasan hanggang sa mapapawi ang pwersadong pangingibang bayan ng mga Pilipino para maghanapbuhay.

Mula sa yamang likha ng lipunan, mapalalaki ang rekurso sa serbisyong publiko.  Mapapalawak ang karapatan sa edukasyon.  Matitiyak ang kalusugan ng mamamayan.  Mapapalakas din ng matatag at malayang ekonomya, at nang sapat ang kakayanang populasyon,  ang kapasidad ng lipunan na ipagtanggol ang sarili laban sa anumang anyo ng dayuhang panghihimasok.

Dito importante ang independyenteng patakarang panlabas. Tiyaking walang tali ang lahat ng mga kasunduang multilateral at bilateral na papasukin ng gubyerno.  Para patunayang independyente at walang kinikilingan, ipagbawal ang anumang anyo ng pagbabase ng dayuhang pwersa sa Pilipinas.

Kung gayon, dapat ipawalang-saysay ng gubyernong Duterte ang EDCA, VFA at ang pinagmulan nitong US-Ph Mutual Defense Treaty.  Kailangan ding mag-ingat sa pagdikit sa China at iba pang lumalakas na kapitalistang kapangyarihan, alang-alang sa interes ng sambayanang Pilipino at hindi para maglipat ng katapatan sa panibagong amo.

Matatag na ekonomiya at nagsasariling estado ang nais itindig nina Bonifacio.  Demokratiko at Soberano. Nakakaraming mamamayan ang nagpapasya.

Sa edad na 29, pinamunuan niya ang pagtatatag ng Katipunan para ipaglaban ang kasarinlan ng bansa at likhain ang kondisyon sa masaganang buhay para sa mamamayan.  Nobyembre 30, 2016  ang  ika-153 guning-taon ng kaarawan ni Gat. Andres. Ipagdiwang natin ito sa higit pang pagpapasaklaw ng kilusang manggagawa at kilusan ng mamamayan para sa tunay na soberanya, demokrasya at kalayaan.

Workers for Peoples’ Liberation (WPL)

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (Kilusan)

Nobyembre 30, 2016